Skip to main content

MULTI-PURPOSE EVACUATION CENTER IPATATAYO NG PAGCOR SA LINGAYEN

Matagumpay na ginanap ang groundbreaking ceremony ng two-storey Multi-Purpose Evacuation Center na nakatakdang itayo sa Lingayen Government Center sa bahagi ng Brgy. Pangapisan North, na pinondohan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR. Ito ay sa inisyatibo at patuloy na pakikipag-ugnayan ng kasalukuyang administrasyon ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga national government agencies.

Sa isang maikling programa, inihayag ni PAGCOR Assistant Vice President for Community Relations and Services, Ramon Stephen R. Villaflor na ang proyektong multi purpose at evacuation ay malaking tulong umano sa Disaster Management and Rescue Operation ng bayan.

Aniya, isa ito sa mga indibidwal na naka-saksi sa mga iba’t ibang aktibidad na nagpabago at nagbigay ng kagandahan at kaunlaran sa Lingayen sa kabila ng mga sakunang naranasan at pinagdaanan nito.
“I have been a witness of how Lingayen had transform into island of excellence in the province of Pangasinan” anang opisyal.

Nagbigay din ng kanyang mensahe ang tumatayong Chief of Staff ng PAGCOR na si Atty. Arthel Caronongan, isang Lingayenense, kung saan inaasahan nito na magkakaroon ng mas magandang samahan at matibay na ugnayan sa pagitan ng PAGCOR at Pamahalaang Panlalawigan kabilang na ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen kasabay ng konstruksyon ng naturang proyekto.

Kasabay ng groundbreaking ceremony ay ang ceremonial turnover ng checke na nagkakahalaga ng PhP 50 milyon na sinundan naman ng Laying of Time Capsule bilang tanda ng pagsasakatuparan ng malaking proyekto na tiyak pakikinabangan ng mga kababayan lalo na sa panahon ng kalamidad at sakuna.

Kasama sa mga dumalo sa naturang aktibidad sina Governor Amado I. Espino III, dating Vice Governor Ferdie Calimlim, Binmaley Mayor Sammy Rosario, Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Judy Vargas Quiocho, mga konsehales sa bayan, department heads at empleyado ng munisipalidad at maging barangay officials.

Sa mensahe nang magkatuwang sa serbisyo, ay lubos ang pasasalamat ng mga nabanggit na opisyal sa bumubuo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa patuloy na paghahatid ng mga proyekto hindi lamang sa bayan ng Lingayen ngunit sa buong probinsya ng Pangasinan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan