
MUNICIPAL AGRICULTURE OFFICE, NAKATUTOK UPANG MAPIGILAN ANG NATUKOY NA KASO NG ASF SA BAYAN
Isinailalim sa culling operation ang ilang mga baboy sa Brgy. Namolan dito sa bayan ngayong araw.
Ito ay matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga nasabing alagang hayop.
Noong nakaraang linggo lamang ng mapabalita ang pagkamatay ng mga baboy sa nabanggit na barangay, agad namang kinunan ng blood sample ang iba pang mga alagang baboy na nakapaligid sa mga natukoy na lugar at matapos ang ilang araw ay lumabas sa pagsusuri na positibo ang resulta, kaya’t agad na umaksyon ang mga kinauukulan.
Kasama ang kinatawan ng Department Of Agriculture Regional Office I, Municipal Agriculture Office (MAO), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), Municipal Engineering Office at PNP Lingayen, sama-samang inilibing ang mga baboy na kontaminado ng nabanggit na sakit.
Ayon kay Municipal Agiculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz, ang culling operation ay bahagi ng kanilang standard operating procedure para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa ibang lugar.
Nilinaw naman nito na walang dapat ikaalarama sa nangyari sa Brgy. Namolan sapagkat kontrolado pa umano ito sa kasalukuyan.
Samantala, kung makitaan aniya ng senyales ng sakit sa kanilang mga alagang baboy, hinikayat ni Dela Cruz ang publiko na ireport ito sa kanilang tanggapan upang agad na maaksyunan.
Bunsod nito, giniit ng opisyal ang mahigpit na pagpapatupad ng “1-7-10” protocol. At ipinaalala sa lahat ng mga barangay na may entry at exit point sa bayan na paigtingin ang pagbabantay upang walang makapag labas masok na baboy mula sa ibang lugar at matiyak na ligtas at sertipikado naman ang mga kinakatay na baboy sa bayan.
Sa kabila ng kaso ng ASF sa nasabing barangay, tiniyak ng Municipal Agriculture Office na ligtas pa rin ang pagkain ng karneng baboy.
Maging ang mga panindang baboy at iba pang meat products sa pamilihang bayan ng Lingayen ay ligtas din mula sa ASF dahil dumadaan umano ito sa tamang handling at pagsusuri ng mga meat inspectors.
Samantala, nakatakda namang bigyan ng ayuda mula sa tanggapan ng Department of Agriculture at Provincial Government ang mga apektadong hog raisers.
Nangako din ang lokal na pamahalaan ng Lingayen na tutulungang linisin at i-disinfect ang mga lugar na nagpositibo sa ASF at mas paiigtingin ang pagmomonitor sa ibang barangay upang tuluyang masugpo ang naturang sakit sa mga alagang baboy.