MUNICIPAL HEALTH OFFICER NG BAYAN NG LINGAYEN, NAG-RETIRO NA
MUNICIPAL HEALTH OFFICER NG BAYAN NG LINGAYEN, NAG-RETIRO NA
Matapos ang labing limang taon sa serbisyo, babalik na sa pribadong pamumuhay si Dr. Sandra Gonzales–ang Municipal Health Officer ng bayan.
Ito’y matapos i-anunsyo ngayong araw ng Lunes, Setyembre 5, 2022 ang pormal nitong pagreretiro sa trabaho.
Nagkaroon ng isang maikling seremonya kung saan nanguna mismo dito si Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Dexter Malicdem kasama ang ilang mga konsehal at empleyado ng munisipalidad sabay sa regular flag raising ceremony ngayong araw.
Binigyan ng Lokal na Pamahalaan si Dr. Gonzales ng Special Award for Public Service dahil sa kanyang sipag, dedikasyon at kontribusyon sa panahon ng kanyang paninilbihan sa bayan. Kinilala din ang kahusayan ng opisyal bilang isang lider lalo na ang epektibong pagtugon sa COVID-19 at noong panahon na tinamaan ng lockdown ang bayan.
Bagama’t naging emosyonal, hindi nakalimutan ng opisyal na pasalamatan si Mayor Bataoil kasama ang buong LGU Lingayen at sinabing hindi nito malilimutan ang mga magagandang karanasan sa serbisyo publiko.
“Sabi ko kay Mayor kanina, Mayor hindi ko na mapigilan– my tears are rolling down my face. But anyway, I will be leaving you in service maybe, but not in my mind and in my heart” pahayag ni Gonzales.
Samantala, personal ding pinasalamatan ng alkalde ang naturang opisyal dahil sa inilaang mahabang panahon ng paglilingkod sa pamahalaang lokal. Hiling nito ang magandang kalusugan at katayuan sa buhay kasabay ng pagtatapos ng kanyang serbisyo.
“Dra. Sandra is a a very dedicated doctor who touches people’s lives in a very special way. Even when I was your Congressman, nakita ko na ang dedication niya sa trabaho whom I used to see parati doon sa dating RHU na opisina niya. So, together with the people of Lingayen, we say good luck, good health and God bless you. I wish to see you here pa, come over here and continue helping the people kahit wala na sa serbisyo.” pahayag ni Mayor Bataoil.
Si Dr. Gonzales ay naninilbihan sa LGU Lingayen bilang Medical Officer V taong 2007 hanggang 2017. Naging Municipal Health Officer noong Pebrero 1, 2017 hanggang ngayong 2022. Eksaktong labing limang taon sa serbisyo at tuluyan na ngang nagretiro sa edad na 65. (MIO)