
MUNISIPYO SUMILALIM SA DISINFECTION
Isinailalim sa disinfection ang buong Municipal Hall ng Lingayen kahapon ika-10 ng Marso, 2020.
Personal na pinangasiwaan ng Municipal Health Office (MHO) at Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ng bayan ang nasabing sanitation at disinfection upang maiwasan ang banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Isa isang inikot ang lahat ng opisina kabilang na ang mga banyo upang mapuksa ang mga mikrobyo na posibleng pagmulan ng sakit.
Bukod sa municipal hall, gagawin na rin ng lokal na pamahalaan ang disinfection sa iba pang public offices na nasa ilalim ng pamamahalang bayan.
Inihayag naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na bahagi ito ng pag-iingat ng LGU Lingayen lalo pa at dagsa ang nagtutungo sa munisipyo araw-araw.
Samantala, muling tiniyak ng MHO sa pamumuno ni Dra. Sandra Gonzales na COVID-19 free panrin ang Lingayen at buong lalawigan.
Siniguro din nito na bukod sa mahigpit na monitoring sa mga barangay ay nakalatag din ang iba pang mga aksyon tulad nang pagbibigay ng sapat na serbisyo medikal.
Mayroon din aniyang nakalunsad na Incident Command System (ICS) ang lokal na pamahalaan at binuo na rin ang isang taskforce on management of COVID-19 kung saan nagsama sama ang lahat ng response agencies para tugunan ang anumang uri ng banta ukol sa naturang sakit. (MIO)