Skip to main content

NAKIISA SA SELEBRASYON NG BUWAN NG KABABAIHAN

Pormal nang binuksan ng LGU Lingayen ang selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan noong ika-3 ng Marso 2024 sa Lingayen Civic Center sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Mac Dexter Malicdem, Councilor Jonathan Ramos, Councilor Rod Morosi, at Municipal Administrator Roberto Sylim.

Nakasentro ang pagdiriwang sa temang “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patunayan!” Bilang pagkilala sa mga kababaihan, pinaalalahanan ni Mayor Bataoil ang lahat na pahalagahan at pasalamatan ang kani-kanilang mga ina, kapatid, asawa, at anak na babae. Hinihikayat ang lahat na gawin ito hindi lamang dahil sa ito ay nakasaad sa batas kung hindi dahil ang paggalang sa kababaihan ang pinakamataas na pamantayan ng moralidad sa atin.

Nagsilbing panauhing pandangal sa naturang pagdiriwang si Second District Board Member Atty. Haidee S. Pacheco. Nagbahagi siya ng inspirasyonal na mensahe para sa mga kababaihan na kung saan kaniyang nabanggit na bilang kauna-unahang babaeng Board Member na nahalal, isang karangalan ang tumayo sa harapan at magbigay ng mensahe para bigyang pagkilala ang kontribusyon ng kababaihan.

Ayon sa kanya, nakatutuwang isipin na aktibong nakikilahok ang mga babae sa gawaing panlipunan. Mayroon nang naging kauna-unahang babaeng Presidente, Bise Presidente, Senador, Ombudsman, Chief Justice at maging drayber ng mga pampublikong sasakyan. Patunay lamang ito sa patuloy na paglinang at pagpapalakas sa sektor ng kababaihan.
Kaisa ng pagdaos sa Buwan ng Kababaihan, ginawaran ng Loyalty Award ang dalawang babaeng kawani ng Munisipyo na nakapaglaan na ng higit tatlumpung taon ng serbisyo publiko. Ito ay sina Christine E. Fernandez and Rowena F. Malogan.

Bago naman matapos ang programa, nagpakitang-gilas din ang grupo ng babaeng kawani ng Lingayen Police Station sa pamamagitan ng paghataw sa sayaw na siya namang kinagiliwan ng mga nanood.

Samantala, sa loob ng buong buwan ito, nakatakdang magkaroon ng iba’t ibang aktibidad at programa ang lokal na pamahalaan na naglalayong mapalawak ang kaalaman at pag-unawa tungkol sa mga isyu at hamon na kinakaharap ng mga kababaihan.

Kabilang dito ang mga sumusunod:

March 8, 2024: Ligliwa na Bibii (Larong lahi para sa mga kababaihan)

March 11, 2024: Crime Prevention Symposium

March 27, 2024: Pakaligliwaan na Saray Bibii (Free Pamper Session)

March 28, 2024: Community Outreach Program

Ayon sa alkalde, ang Buwan ng Kababaihan ay isang magandang pagkakataon upang mabigyan ng pagkilala ang mga kababaihan para sa kanilang masigasing na kontribusyon sa lipunan.
“Let us remember this day as a day to honor our mothers, our wives, our sisters and the children to start (at a very young age) to honor the women of our country throughout the world” pahayag ni Mayor Bataoil. (MIO/MRVinluan_PBayog)

📷lingayenPS

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan