Skip to main content

NATIONAL DISASTER RESILIENCE MONTH IPINAGDIRIWANG NGAYONG HULYO


Pormal na isinagawa ngayong Hulyo 6, 2021, ang kick-off activity o programa para sa pakiki-isa ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa ipinagdiriwang na National Disaster Resilience Month ngayong buwan.

Sa temang “Tamang Pamamahala’t Kahandaan, Kaalaman at Pagtutulungan sa Sakuna at Pandemya’y Kalasag ng Bayan”, isinagawa ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen kasama ang mga tanggapan ng Philippine National Police (PNP Lingayen) at Bureau of Fire Protection (BFP Lingayen) ang isang motorcade bilang panimula sa pagdiriwang.

Una nang pinapurihan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa kanyang maikling mensahe ang kahusayan, dedikasyon at pagsisikap ng tatlong nabanggit na tanggapan pagdating sa kanilang trabaho.

Aniya, sa hanay ng BFP, makikita umano ang kanilang galing sa pangangasiwa ng pagsugpo ng sunog, anti-crime at security naman sa PNP habang rescue operation sa LDRRMO.

Bagama’t nahasa na at sanay sa kanilang trabaho, ibinilin pa rin ng alkalde na palawakin pa ang kanilang mga kaalaman lalo na sa pagresponde o pagsagip sa kanilang mga kababayan.

“Always think outside the box. Mag-imagine kayo. You do not be contented with what you are doing. Mag-research kayo kung ano pa ang puwede ninyong maisagawa na hindi “routinary”. Use your initiative. Everyday of your life should be an accomplishment day” ani Mayor Bataoil.

Ibinahagi naman ni Councilor Jasper Pasion, Chairman ng Committee on Disaster Management, ang suporta ng Sangguniang Bayan sa mga gawain at inisyatibo ng LGU Lingayen upang mapanatiling ligtas ang bawat kababayan.

Sinabi din ng naturang konsehal na ang pagpapaigting sa mga inisyatibo lalo na sa paghahanda sa mga kalamidad ay isang “collective effort” na dapat sundin at bigyang pagpapahalaga hindi lamang ng mga indibidwal na itinuturing bilang mga frontliners ngunit pati na ng publiko.

Ang NDRM ay ipinagdiriwang sa pamamagitan nang pagsasagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa resilience at capacity building ng bawat mamamayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan