
NATIONAL FAMILY WEEK
LGU LINGAYEN NAKIKI-ISA SA SELEBRASYON NG NATIONAL FAMILY WEEK
Bilang bahagi ng adbokasiya na palakasin ang samahan ng pamilyang Pilipino, ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen, sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ay nakiki-isa sa paggunita ng National Family Week.
Ito ay ipinagdiriwang tuwing huling linggo ng buwan ng Setyembre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 326, serye ng 2012.
Ang isang linggong selebrasyon ngayong taon ay may temang “Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Pilipino sa Panahon ng Pandemya” at may sub-tema na “Pamilya at Teknolohiya: Magkabalikat na Mapagtagumpayan ang Hamon ng Pandemya”.
Bilang pakiki-isa sa pagdiriwang, una nang inanunsyo ang pagsuspinde ng pasok sa mga tanggapan ng gobyerno kabilang na ang munisipalidad ng Lingayen simula alas tres y’medya (3:30) ng hapon ngayong araw.
Ayon kay Mayor Bataoil, mahalagang ma-obserbahan ang naturang pagdiriwang dahil ito ang nagbibigay-diin sa kahalagahan ng ‘family meal’ o ang pagkain nang sama-sama ng mga pamilya.
Ito din umano ang nagbibigay ng pagkakataon na mapagtibay ang komunikasyon ng isang pamilya at nagsisilbing lugar kung saan ang mga miyembro ay maaaring ipahayag ang kanilang saloobin sa bawat isa at magbahagi ng mga positibong karanasan ng kasiyahan at pagmamahal.
Patuloy din nitong hinihikayat ang mga kababayan na magkaisa at magtulungan upang maitaguyod ang mga magagandang katangian ng pamilyang Pilipino sa kabila na rin ng kinakaharap na pandemya sa kasalukuyan.
Muli namang nilinaw ng alkalde na hindi sakop ng suspensyon ang iba pang sangay ng gobyerno na may kinalaman sa delivery ng basic at health services at response to disaster and other vital services. (MIO)