Skip to main content

NATIONAL ID SYSTEM, SISIMULAN NA

Uumpisahan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang registration para sa Philippine Identification System (PhilSys) sa bayan.

Pinulong mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ngayong araw Setyembre 12, 2020 ang lahat ng mga punong barangay upang ipaalam ang nasabing aktibidad.

Personal nitong hiniling ang kanilang kooperasyon upang matiyak na maisasagawa ang proseso ng pre-registration ng ligtas habang may pandemya ng COVID-19.

Ayon sa alkalde, dapat na umanong simulan na ipabatid o ipaalam sa kanilang mga ka-barangay ang rehistrasyon nito upang magkaroon na sila ng ideya at makapagparehistro sa itinakdang araw.

Ayon naman kay Mr. Jackson Soriano PSA Representative, dalawang hakbang (Step 1 at Step 2) ang posibleng gawin ng kanilang tanggapan kaugnay dito.

Sisimulan ang step 1 ng registration kung saan sila’y magbabahay-bahay o doorstep interview para sa targeted respondents.

Tutukuyin ang mga rehistrante, gamit ang ‘listahanan’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nakatakdang kolektahin ng mga PSA Enumerators ang mga pangalan, kasarian, petsa ng kapangakan, lugar ng kapanakan, address, citizenship, marital status, cellphone number at email address.

Sa Step 2 naman, kailangan na lang pumunta sa designated registration center para sa biometric information tulad ng iris scan, fingerprints at photograph.

Bagamat hindi mandatory, sinabi ni Soriano na mahalaga pa ring makapagparehistro dahil ito na ang gagamiting identification card sa lahat ng transaksyon sa gobyerno.

Samantala, bukod sa national id, ipinaalala na rin sa mga punong barangay ang pagkakaroon ng libreng bakuna kontra Rubella, Polio at Tigdas ng Department of Health pati na ang pagsasara ng sementeryo sa bayan sa darating na Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2020. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan