Skip to main content

New Normal na Nutrisyon, Sama-samang Gawan ng Solusyon!


Inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pangunguna ng Municipal Health Office ang mga programang nakasentro sa pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo.

Ang pagdiriwang ay may temang “New Normal na Nutrisyon, Sama-samang Gawan ng Solusyon!”, layon nito na mag-organisa ng mga programa at aktibidad na magpapataas ng kaalaman at kamalayan sa tama at wastong nutrisyon.

Una nang naglagay at nagkabit ng mga tarpaulins sa iba’t ibang barangay upang ipaalam sa publiko ang patungkol sa selebrasyon kabilang na ang kahalagahan ng paggunita dito.

Magkakaroon ng distribusyon ng mga Food Commodities at mga multivitamins sa mga benipesyaryo ng Tutok Kainan Program. Nariyan rin ang pagsasagawa ng orientation para sa mga barangay nutrition scholar o (BNS) kasama ang ilang mga magulang. Dito ay nakatakdang ituro ang mga imporamsyon at mahahalagang paalala tungkol sa mga angkop na pagkain pati na ang mga kinakailangang bitamina at nutrisyon para sa iba’t ibang kondisyong pangkalusugan.

May libreng check up din para sa mga sanggol na may 6-23 months old habang supplemental feeding program naman sa mga 24-59 months.

Suportado naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang lahat ng mga nabanggit na aktibidad at nangakong mas sisikapin pang itaguyod ang malusog na nutrisyon at pangangatawan ng kanyang mga kababayan.

Hinikayat ng alkalde ang mga barangay officials, BNS at mga indibidwal na nasa nutrition services na sikaping maibigay ang tamang impormasyon sa pangangalaga sa kalusugan at nutrisyon ng bawat isa.

Sa ngayon, nakapokus ang lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng mga kasalukuyang programang pangkalusugan at mas paangatin pa ang mga ito dahil naniniwala ang alkalde, na ang taumbayan ang siyang pinakamahalagang yaman ng bayan na kanyang pinamumunuan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan