
NURSES AT MIDWIVES NG BAYAN, SUMAILALIM SA PAGSASANAY
Tagumpay na naisagawa ng Philippine Red Cross PRC- Pangasinan Chapter-San Carlos City Branch ang isang linggong training program para sa mga empleyado ng Municipal Health Office o MHO Lingayen.
Labing dalawang (12) mga empleyado na kinabibilangan ng mga nurse at midwives ang lumahok sa Standard First Aid Training at Basic Life Support-Cardiopulmonary resuscitation with automated external defibrillator operation o BLS-CPR w/ AED Operation ng naturang tanggapan.
Layunin nito na mabigyan ng wasto at sapat pang kaalaman ang mga health officials o health workers na nagbibigay serbisyo sa bayan.
Pangunahing tinalakay sa pagsasanay ang kahalagahan na malaman ng isang responder ang tamang paraan kung paano makasasagip ng buhay ng isang tao na nasa panganib kabilang na dito ang pagbibigay ng First Aid management.
Aktwal ding itinuro ang tamang pamamaraan ng pagbebenda para sa ibat ibang uri ng injury, kasabay ng pagsasagawa ng casualty incident simulation upang makita ang kakayahan ng isang rescuer sa oras na may nangangailang ng tulong.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga partisipante ng MHO Lingayen sa Philippine Red Cross dahil nabigyan umano sila ng pagkakataon na matutunan ang tamang paraan ng pagsagip ng buhay sa pamamagitan ng nasabing aktibidad.
Nagpa-abot rin ng pasasalamat si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa Red Cross at sa tulong ni Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho na kasalukuyang Red Cross 143 Chairman at Board of Director ng Red Cross Pangasinan Chapter para maging posible ang naturang training. (MIO)