Skip to main content

NUTRITIONAL FOODPACKS IBABAHAGI SA DAYCARE PUPILS NG BAYAN MULA SA SUPPLEMENTAL FEEDING PROGRAM NG DSWD

Tinatayang 980 day care pupils sa bayan ang nakatakdang mabigyan ng libreng suplay ng pagkain mula sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. Tatlumpu’t anim (36) na Child Development Center ng bayan ang napabilang sa programa at nabiyayaan ng iba’t-ibang uri ng pagkain sa ika-10th cycle ng Supplementary Feeding Program (SFP) ng pamahalaan.

Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office MSWDO-Lingayen ang bawat bata ay makakatanggap ng mga food packs na naglalaman ng tig isang pack ng Macaroni pasta, tig isang pack ng bihon, tig-dalawang lata ng sardinas, tuna at karne norte, kasama din ang arina, tig isang kilo ng monggo, dalawang kilong bigas, tatlong packs ng Vegetable oil, isang lata ng gatas, mga cereals at limang pirasong itlog.

Nagpa-abot naman ng kanyang pasasalamat si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa tanggapan ng DSWD dahil sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa publiko lalo na sa kanyang mga nasasakupan.

Kaugnay nito, hinimok ng alkalde ang mga magulang na mas maging aktibo sa edukasyon ng kanilang mga anak at panatilihin ang tamang nutrisyon ng mga bata kahit nasa gitna ng pandemya.

Ang Supplementary Feeding Program ng DSWD ay naglalayong wakasan ang patuloy na paglobo ng bilang ng malnutrisyon o mga batang wala sa tamang timbang dahil sa kakulangan ng mga masusutansiyang pagkain sa katawan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan