
ONE-STOP-SHOP ILULUNSAD PARA SA MGA MAGBABAYAD NG BUSINESS PERMITS
Nakatakdang ilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang isang “one-stop shop for business permits and licenses application and renewal” pagpasok ng taong 2021.
Ito ay upang matulungan ang mga indibidwal o nagmamay-ari ng mga negosyo na mapabilis ang pagproproseso ng kani-kanilang business permit na taunang requirement sa pagnenegosyo.
Ang one-stop shop, ay i-set up sa iisang lugar lamang na ilalagay sa Lingayen Civic Center (Plaza Auditorium) at lahat ng mga opisinang may kaugnayan sa aplikasyon at renewal ng mga business permits kagaya ng BPLO, Municipal Treasurer’s Office, Municipal Health Office, Municipal Assessor’s Office, DTI, BIR, Bureau of Fire Protection, at iba pa ay matatagpuan na rito.
Kasama naman sa mga permit na maaaring mabilis na makuha sa One-Stop Shop ay ang mga sumusunod:
Building Permit
Electrical Permit
Electrical Clearance
MENRO Clearance
Valid Fire Safety Inspection Certificate
Occupancy permit
Sanitary/Health Clearance
at iba pa.
Ayon sa Municipal Treasurer’s Office samantalahin ang pagbabayad mula January 5-20, 2021 upang maka-iwas sa penalty.
Tuluy-tuloy din ang pagbibigay ng Cedula o Community Tax Certificate sa mga nagnanais na kumuha nito.
Samantala, para sa mga nais mag apply o magbayad ng kani-kanilang permit, mangyaring tignan na lamang sa ibaba ang mga dokumento o requirements na kinakailangang kunin o dapat na kompletuhin.
Kasabay nito, hinikayat ni Mayor Bataoil ang publiko na samantalahin ang nasabing pagkakataon upang magbayad ng maaga at maiwasan ang multa.
Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na umano ang Pamahalaang Bayan sa pakikipagtulungan ng mamamayan lalo na sa kanilang ipapakitang kooperasyon.
Makakasiguro umano ang mga kababayan na mga ibinayad na halaga ay mapupunta sa iba’t-ibang serbisyo at proyekto na inihahatid ng LGU Lingayen sa mga nasasakupan nito. (MIO)