Skip to main content

OPERASYON NG COMELEC, PINAIKLI… SABONG MULING IPINAGBAWAL

Pansamantala paiikliin ang oras ng transaksyon ng COMELEC Lingayen base sa ibinabang guidelines mula sa kanilang Head Office bunsod pa rin sa patuloy napagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Base sa inilibas na abiso, mula Marso 22 hanggang Abril 4, tatanggapin lamang nila ang applications para sa voters’ registration simula alas otso (8:00) ng umaga hanggang alas tres (3:00) ng hapon mula Lunes hanggang Huwebes.

Ngunit nilinaw naman ng naturang tanggapan na ang issuance ng voter’s certificate ay hanggang alas singko (5:00) ng hapon.

Bagama’t mas maikli na ang oras ng kanilang operasyon, patuloy pa rin na hinihikayat ang mga botante o mga kababayan na magparehistro at huwag kalimutan na sundin ang health protocols kung magtutungo sa kanilang tanggapan.

Tatagal ang voter registration para sa 2022 elections hanggang sa September 30, 2021.
Samantala, muli ring ipinaalala ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen na pansamantala ding sinuspende ang operasyon ng mga sabungan o ‘sabong’ sa mga petsang March 22- April 4 base ibinabang guidelines ng Department of Interior and Local Government (DILG) kahit pa ang isang bayan ay nasa ilalim na ng modified general community quarantine (MGCQ).

Nagbabala din ang naturang tanggapan na papatawan ng karampatang parusa ang sinumang indibidwal na mapatunayang lumabas sa nasabing kautusan.

Mahigpit ng binabantayan ngayon ng LGU Lingayen ang mga cockpit arenas sa bayan upang matiyak na makakasunod ito sa ibinabang polisiya ng IATF at DILG. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan