Skip to main content

OPERATION TIMBANG ISINAGAWA SA MGA BATANG LINGAYENENSE

Bilang bahagi ng selebrasyon ng Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo, isinagawa ang “Operation Timbang o OPT” sa mga batang edad 0-6 years old sa tatlumpong dalawang (32) barangay sa bayan kamakailan.

Pinangunahan mismo ng mga Barangay Nutrition Scholars o BNS ang pag-organisa sa naturang programa sa pakikipagtulungan na rin sa Lokal na Pamahalaan ng Lingayen.

Ayon kay Municipal Social Welfare & Development Office (MSWDO) Officer Lorenza R. Decena, ang Operation Timbang ay programang isinasagawa taon taon upang makuha ang eksaktong timbang ng mga bata sa bayan.

Malaking tulong din aniya ito upang matukoy ang mga kabataang nasa kategorya ng malnourished at maiwasan din ang labis na katabaan o obesity.

Paliwanag ng opisyal, kapag ang isang bata ay natukoy na kulang sa timbang, binibigyan umano ang mga ito ng Ready to Use Therapeutic Food (RUTF) na mula sa Department of Health o DOH.

Samantala, muling kinumpirma ng MSWDO Lingayen na mayroong 2nd batch o ikalawang bugso ng cash aid sa ilalim Social Amelioration Program.

Ngunit nilinaw ni Decena na hinihintay pa rin hanggang sa kasalukuyan ang schedule na ibibigay ng DSWD sa bayan.

Nakatakda sana noong Mayo pa ang ayuda na layong tulungan ang mga pamilyang pinakanaapektuhan ng lockdown dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ngunit naantala ang pamamahagi ng naturang cash aid dahil sa mabusising pag-encode ng mga datos ng mga benepisyaryo.

Gayunman, inamin ni Decena na maaaring sa katapusan ng Hulyo o unang linggo ng Agosto ang susunod na payout ngunit posibleng mabawasan na ito kumpara noong unang payout lalo’t inayos na ang listahang isinumite sa DSWD. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan