Skip to main content

Oplan Balik Disiplina sa Kalsada Ipinatutupad na sa Bayan

Mahigpit ng ipinapatupad sa bayan ng Lingayen ang “Oplan Balik Disiplina sa Kalsada”, alinsunod na rin sa naunang deriktiba ni Police Col. Redrico Maranan, Provincial Director ng PNP Pangasinan.

Sa pinagsanib na pwersa ng Lingayen Police Station at Public Order and Safety Office at sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, isa- isang sinita at hinuli ang ilang mga motoristang bumabyahe ng may ‘violation’ o paglabag sa batas.

Ayon kay Police Lieutenant Col. Theodore Perez, hepe ng Lingayen Police Station, marami pa ring mga sasakyan ang nasa lansangan na hanggang sa ngayon ay hindi pa nairerehistro. May ilan din aniya na bukod sa bumabyahe ng walang suot na helmet ay wala ding mga plaka.

Dahil dito, mahigpit na nilang ipinapatupad ang nasabing programa na wala unmanong ibang layunin kundi resolbahin ang problema sa dumaraming aksidente sa mga kakalsadahan partikular na sa bayan.

Bukod pa dito, nais din ng pulisya na mapigilan ang paggamit ng mga kolorum na motorsiklo na maaring magamit ng mga riding-in-tandem sa paggawa ng krimen.

Samantala, binigyang diin ni Perez na bibigyan ng karampatang parusa ang sinumang lumabag sa ipinapatupad na batas anuman ang estado o katayuan nito sa buhay.

Nauna rito, nanawagan si Perez sa mga may-ari ng mga motorsiklo sa bayan na iparehistro ang kanilang sasakyan upang mabigyan ng stickers at makuha ang mga importanteng impormasyon hinggil dito.

Tiwala naman si Mayor Bataoil na susunod ang mga motorista sa Oplan Balik Disiplina sa Kalsada na ang hangarin ay gawing ligtas ang lahat sa mga kakalsadahan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan