OPLAN LIGTAS NA PAMAYANAN CAMPAIGN NG BFP, EPEKTIBO LABAN SA SUNOG
Mas pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen ang kanilang isinasagawang Oplan Ligtas na Pamayanan–isang programa na may layuning turuan at paalalahanan ang publiko patungkol sa fire safety tips.
Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng public address kung saan nag-iikot ang kanilang mga tauhan sakay ng fire truck at nagbibigay ng paalala upang maiwasan ang anumang insidente ng sunog.
Bumibisita din ang mga ito sa bawat barangay kung saan nakikipagtulungan sila sa mga opisyales na maiparating sa kanilang komunidad ang mga tips at ilang hakbang kung papaano protektahan ang kanilang mga ari-arian.
Ilan sa payo ng BFP Lingayen ay ang mga sumusunod:
-Gumamit ng may kalidad na saksakan
-Siguraduhing aalisin sa saksakan ang anumang electric appliances pagkatapos gamitin
-Itago ang posporo o lighter sa lugar na hindi maaabot ng bata
-Huwag ilagay ang kandila, oil o gas lamps na malapit sa kurtina o mga bagay na madaling magliyab
-Bantayan ang mga niluluto
-Itigil ang pagsusunog ng tuyong dahon sa bakuran dahil puwede itong pagmulan ng sunog lalo na kung may malakas na hangin
-Siguruhing may fire extinguisher sa mga tahanan
Bukod sa Oplan Ligtas Pamayanan, mayroon pang ibang programa ang BFP Lingayen gaya ng Handang Pamayanan Program, Community Fire Auxillary, Kaagapay Program, Lingap Program at marami pang iba.
Magpapatuloy umano itong isusulong lalo’t kanilang nakikita na epektibo ang paglalatag ng mga nabanggit na programa upang mapanatiling ligtas sa sunog ang publiko. (MIO)