Skip to main content

Paalala mula sa Lokal na Pamahalaan ng Lingayen

Pinaalalahanan ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang publiko na doblehin ang pag-iingat sa harap ng banta ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa.

Kasunod ito ng mga ulat na nagsasabing mas mabilis itong makahawa kumpara sa mga naunang strain o variant ng COVID-19. Bagama’t wala pang naitalang kaso nito sa bayan, dapat pa rin umanong paigtingin ang pagpapatupad ng mga health and safety protocols.

Ipinaalala din ng Municipal Health Office o MHO Lingayen na bakunado man o hindi, ay dapat na manatiling maingat sa pagkilos para matigil ang pagkalat ng mas nakakahawang variant.

Kaugnay nito, umaasa din ang naturang tanggapan na mabakunahan sa lalong madaling panahon ang lahat ng priority groups lalo na ang senior citizens at persons with comorbidities.

Kanila ding hinikayat ang mga hindi pa nababakunahan na magparehistro na sa kani-kanilang mga barangay upang makatanggap din ng naturang bakuna.

Samantala, muli namang namahagi ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na kababayan ang Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO Lingayen katuwang ang Municipal Treasurer’s Office.

Apat napu’t dalawang (42) indibidwal ang nabigyan ng cash assisstance mula na rin sa programang Assistance to Individual In Crisis Situation (AICS) ng MSWDO kung saan 21 dito ay nasa kategorya ng medikal, labing walo (18) ang burial at tatlo (3) naman para sa solo parent.

Gaya ng mga una ng bilin ni Mayor Bataoil, dapat aniyang gamitin sa tama at maayos na paraan ang perang natanggap.

Ang AICS ay bahagi ng protective assistance na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare Development (DSWD) sa mga mahihirap na pamilya, marginalized sectors, bunerable o disadvantage na mga indibidwal. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan