
PAG-IINGAT LABAN SA COVID-19 PALAGIANG ISAGAWA
Matapos ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 nitong nagdaang mga araw, nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa publiko na huwag masyadong magpakakampante dahil hindi pa nasusugpo ang nasabing virus.
Sa ginanap na flag raising ceremony ngayong araw, Marso 29, 2021, muling ipinaalala ni Municipal Administrator Roberto Sylim na hindi pa ligtas ang mga kababayan sa nararanasang pandemya.
Ayon sa opisyal, kelangan pa rin ng dobleng pag-iingat habang patuloy ang gobyerno sa pagsisikap para maibigay ang mga serbisyong para sa bayan. Sinabi rin nito na kinakailangang sumunod sa mga ipinapatupad na health protocols at kung maaari aniya ay manatili na lamang muna sa loob ng bahay at iwasan ang pakikipag kumpulan sa mga matataong lugar.
“Lahat tayo ay dapat pa ring mag-ingat dahil hindi pa tapos ang laban natin sa COVID-19” ani Municipal Administrator Sylim.
Samantala, nagbabala ang Rural Health Unit 1 at 2 ng lokal na pamahalaan sa publiko na mag-ingat sa ini-aalok na COVID-19 vaccine sa black market.
Ayon kay Dr. Ferdinand Guiang, hindi dapat tangkilikin ang mga ganitong uri ng bakuna lalo na’t hindi ito dumaan sa tamang proseso at maaari ding magdulot ng masamang epekto sa katawan ng isang tao.
Kapag aniya may nagbebenta nito ay huwag paniwalaan dahil malamang na ilegal itong nakapasok sa bansa at hindi dumaan sa pagsusuri ng mga eksperto. Nanawagan ang opisyal na ireport sa kinauukulan ang anumang insidente ng distribusyon at pagbebenta ng COVID-19 vaccines sa merkado na hindi otorisado ng pamahalaan. (MIO)