Skip to main content

PAGBABAKUNA KONTRA COVID-19 PARA SA MGA CHIKITING EDAD 5-11 Y.O. SINIMULAN NA

Inilunsad ngayong araw, ika-10 ng Marso, 2022 ang pagbabakuna  kontra COVID-19 sa mga batang nasa 5-11 taong gulang ng lokal na pamahalaan ng Lingayen.

Sabay sabay na nagsagawa ng pagbabakuna sa mga chikiting sa tatlong Rural Health Units ng bayan bunsod ng nasabing soft roll-out ng pediatric vaccination.

Para sa RHU 1, ginanap ito sa Lingayen Tricycle Terminal, Domalandan Center Covered Court naman ang RHU 2 habang ang RHU 3 ay sa Basing Covered Court.

Pinayuhan naman ng Municipal Health Office o MHO Lingayen ang publiko partikular na ang magulang ng mga  batang menor de edad na kumuha muna ng appointment o iskedyul sa kani-kanilang barangay bago tuluyang magtungo sa mga vaccination sites.

Para sa mga batang may comorbidities, kinakailangan namang  magpakita ng medical certificates ang kanilang mga guardians gayundin ng pruweba ng kaugnayan o relasyon nila sa bata.

Pfizer ang brand ng bakunang matatanggap ng mga batang may edad 5 to 11 dahil ayon sa MHO, ito ang may komposisyon na mas naa-angkop para sa kanilang edad.

Pinasalamatan naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga medical frontliners at maging mga magulang na agarang tumugon sa panawagang mabakunahan na rin ang mga mas nakababata upang maprotekyunan ang mga ito laban sa virus.

Bagamat ito pa lamang ang unang bugso, patuloy lang umanong magpatala sa inyong mga barangay health centers dahil dito kukunin ng mga RHUs ang pangalan ng susunod na mga mababakunahan habang umantabay din sa official page ng LGU Lingayen sa mga anunsyo kung kailan muli darating ang bagong batch ng vaccine para sa mga bata.(MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan