Skip to main content

PAGBABALIK-ESKWELA, SAMA-SAMANG PINAGHAHANDAAN SA BAYAN

PAGBABALIK-ESKWELA, SAMA-SAMANG PINAGHAHANDAAN SA BAYAN
Isang pulong ang ipinatawag ni Mayor Leopoldo N. Bataoil upang pag-usapan ang mga hakbang at seguridad na kinakailangang gawin para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa bayan.
Mababatid na sa Agosto 22, 2022 ang itinakdang araw nang pagsisimula o implementasyon ng in-person classes o ang ‘5-day face-to-face classes’ ng mga mag-aaral.
Ika-16 ng Agosto, 2022, pinulong ng alkalde ang mga School Principals, mga punong barangay, kawani ng Lingayen Police Station, POSO at maging ang TODA Federation upang maplantsa ang plano ukol dito. Naroon din si Councilor Jolo Lopez na siyang chairman ng Committee on Education kasama si Councilor Jonathan Ramos bilang Vice-Chair ng komite.
Kabilang sa mga napag usapan ay ang mga seguridad na ilalatag para sa kapakanan ng mga guro, mga magulang at mga estudyante.
Inatasan ni Mayor Bataoil ang PNP Lingayen na magdeploy ng tig-isang tauhan o personnel sa bawat eskwelahan habang ang mga barangay officials ay naatasang magbigay ng tig-dalawang tanod na magsisilbi umanong guwardiya sa mga paaralan.
Ang mga POSO Personnel naman ay itinalaga para sa traffic management at ipupwesto sa mga lugar na malapit sa eskwelahan at iba pang bahagi ng lansangan.
Samantala, matapos ang pag-uusap ay nagpahayag si Mayor Bataoil ng kagustuhang magkaroon pa muli ng panibagong pagpupulong o isang ‘progress development meeting’ sa susunod na buwan.
“It is very important na maayos na natin ang lahat ng ito bago ang pasukan dahil para ito sa kapakanan ng ating mga kabataan. After this I require each and everyone of you to give updates and feedbacks sa kung anuman ang napag-usapan natin ngayon. Magsagawa ulit tayo ng isa pang meeting. Importante na malaman natin kung anong naging progress sa mga naplano at napag usapan natin.” pahayag ng alkalde.
Umaasa din ito na magiging maayos at ligtas ang pagsisimula ng pasukan sa susunod na linggo. (MIO)
📸MIO/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan