
PAGDATING COVID-19 VACCINES PATULOY NA PINAGHAHANDAAN
Handa na ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pagdating ng mga bakuna kontra Covid-19 sa bayan.
Ito ang ipina-abot ng Municipal Health Office (MHO) Lingayen sa pamumuno ni Dr. Sandra V. Gonzales at ni Dr. Ferdinand Guiang ng Rural Health Unit II.
Ayon sa dalawang dalubhasa sa aspeto ng medikal, isang daang porsyento (100%) ng nakahanda ang kanilang tanggapan maging ang kanilang mga health workers bago pa man ang pagdating ng bakuna.
Natapos na rin umano ang trainings ng mga vaccinators hudyat na maaari na silang isalang sa mass vaccination program ng pamahalaan.
Bukod pa rito, sinimulan na ding ihanda ang iba pang mga gagamitin sa mga matutukoy na vaccination centers tulad na lamang ng dividers, portalets, water dubbing, wheelchairs, at iba pa.
Bagamat hindi pa matukoy kung kelan ang eksaktong petsa ng pagdating ng bakuna sa bayan, ipinunto nina Dr. Gonzales at Dr. Guiang na dapat ay nakahanda at naka-alerto na ang Lokal na Pamahalaan.
Muli namang umapela ang mga ito sa publiko lalo na sa mga kababayang kwalipikadong mabakunahan na magpa-vaccine laban sa COVID-19.
Kanilang pagtitiyak na ligtas ang mga ito kung kaya’t wala umanong dapat ipangamba o ikatakot ang sinuman. Sa katunayan, una nang nagpahayag ng boluntaryong interes sa pagpapabakuna ang mga opisyal at department heads ng munisipalidad upang mas mapataas pa ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.
Nagdaos na rin ng COVID-19 vaccine simulation exercise ang lokal na pamahalaan upang masukat ang kahandaan nito pagdating sa pagbabakuna.
Tinatayang nasa mahigit 70,000 ang target na populasyon na dapat umanong mabakunahan sa bayan ng Lingayen. (MIO)