Skip to main content

PAGDIRIWANG NG BUWAN NG NUTRISYON, PORMAL NANG INILUNSAD

Ngayong araw, ika-1 ng Hulyo 2024, inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pangunguna ng Municipal Health Office at Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ang pormal na pagbubukas sa selebrasyon ng Nutrition Month.

Layon ng selebrasyon ngayong taon na itaguyod ang mabuting kalusugan para sa bawat mamamayan, anuman ang kanilang edad, alinsunod sa temang “Sa PPAN, Sama-Sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat”.

Ang PPAN o Philippine Plan of Action for Nutrition 2023-2028 ay inilunsad kamakailan ng National Nutrition Council kung saan layong tugunan ang problemang pangkalusugan partikular na ang malnutrisyon.

Ibinahagi ni MNA Officer Maria Clara Sison ang ilan sa matagumpay na programang pangkalusugan tulad ng Operasyon Timbang, Nutrition Assessment, Community Organization, na siyang patuloy na isinasagawa para sa kapakanan ng bawat Lingayenense.

Idinagdag din na hindi lamang ang malnutrisyon ang dapat bigyang pansin bagkus marapat ding talakayin ang isyu ng kahirapan sapagkat ito ang nagsisilbing ugat ng mga problemang pangkalusugan. Aniya, upang matagumpay na matugunan ang malnutrisyon, kailangan buong pwersang magtulungan ang lahat partikular na ang sektor ng agrikultura, kalusugan, at social welfare.
Naghatid naman ng inspirasyonal na mensahe sina Dr. Ferdinand Guiang ng RHU II, Dra. Shayne Borling ng RHU III, at Dr. Heinrich Manuel ng Municipal Health Office gayundin ang mga opisyal ng bayan sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Mac Dexter Malicdem bilang suporta sa pagdiriwang ng Nutrition Month.

Samantala, bilang pagdiriwang din ng Nutrition Month, samu’t saring aktibidad ang inihanda ng lokal na pamahalaan para mas mahikayat ang mga Lingayenense na pahalagahan at pangalagaan ang kanilang kalusugan. Narito ang mga sumusunod:

-Simultanoues Posting of Nutrition Month Tarpaulin
-PANGmasa, Zumba para ed Amin Competition
-Nutrition Lecture for Senior Citizens
-Nutrition Lecture for Hypertensive Adults
-Nutrition Lecture for Youth Leadership
-Nutrition Lecture for PWD’s
-Farmer’s Market KADIWA
-Zumbataoil at marami pang iba

Inaanyayahan naman ang lahat na aktibong makibahagi sa nakalatag na programa para sa pagdiriwang ng buwan ng nutrisyon. Para sa mga katanungan at iba pang impormasyon, maaaring i-message ang official facebook page ng Municipal Health Office na https://www.facebook.com/rhu.lingayen. (MIO_PJBayog/MRVinluan)

MIO/RCSoriano/GcRueda/MVR

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan