
PAGPAPABAKUNA NG MGA TSIKITING MULING IPINANAWAGAN
Muling nanawagan ang Municipal Health Office o MHO Lingayen sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra Rubella, Polio at Tigdas.
Ito’y upang maabot ang target na bilang ng mga batang dapat na mabakunahan sa bayan.
Sa katunayan umano, pinaiigting pa ng lokal na pamahalaan ang vaccination efforts kahit may nararanasang pandemya upang matiyak na ang mga kabataan lalo na ang mga batang may edad siyam na buwan hanggang limang taong gulang ay mabakunahan at mapangalagaan ang kanilang kalusugan.
Naiintindihan din aniya ng MHO Lingayen ang takot ng mga magulang ngayong panahon ng COVID-19 pero kanilang nilinaw na hindi dapat katakutan ang bakuna na matagal nang ibinibigay sa mga bata ng libre.
Ayon pa sa naturang tanggapan, subok na ang mga bakunang ginagamit para rito kung kaya’t wala umanong dapat ipag-alangan o ipangamba. Kanila ding nilinaw na hindi magkakaroon ng transmission ng virus sa pagsasagawa ng nasabing pagbabakuna dahil lagi umano nilang sinisiguro na ang mga health workers o vaccinators ay sumusunod sa ipinatutupad na minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng personal protective equipment (PPE) at palagiang paghuhugas ng kamay.
Samantala, pansamantala munang sinuspinde ang pagbabahay-bahay o door-to-door na pagbabakuna ng DOH at nagtatalaga na lamang ang mga ito ng temporary sites upang mailapit ang naturang serbisyo sa komunidad.
Maaari namang makipag-ugnayan ang mga magulang na may anak na di pa nababakunahan sa kani-kanilang barangay para malaman ang nakatakdang iskedyul para sa naturang programa. (MIO)