Skip to main content

PAGPAPAREHISTRO NG MGA SHRIMP FARM, HINIKAYAT

Hinihikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na magparehistro sa isasagawang Shrimp Farm Registration ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.

Isasagawa ang dalawang araw na registration mula Nobyembre 5-6, 2020 sa Brgy. Estanza sa nasabing bayan.

Ayon sa Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen, layunin ng nasabing aktibidad na matulungan ang mga operators na ma-accredit ng tanggapan ng BFAR ang kanilang palaisdaan.

Tutulungan din umano sila na mabigyan ng Health Certificate upang matiyak na ang mga inaalagaang species ay ligtas mula sa mga viral disease.

Labing limang (15) mga shrimp grow-out operators mula sa Brgy. Estanza ang naka-iskedyul na magparehistro bukas (November 5) habang labing apat (14) naman sa susunod na araw (November 6).

Paliwanag naman ng MAO, maaari pa din umanong humabol upang magparehistro ang iba pang mga operators na interesado sa naturang aktibidad at maki-isa sa layuning ito upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at ang mataas na mortality sa kani-kanilang mga alaga.

Samantala, nakatakda ring ilunsad bukas ang “Malinis at Masaganang Karagatan” (MMK) of the Bureau of Fisheries and Aquatic Resoruces (BFAR).

Ito ay isang banner program ng naturang tanggapan sinimulan noong taong 2016 at naglalayong mabigyan ng karangalan ang mga munisipyo sa bansa na may natatanging inisyatibo sa pangangalaga at responsableng pagpapa-unlad ng kanilang karagatan.

Magkakaroon ng gantimpala ang LGU na mapipili bilang outstanding coastal community.

Kasabay nito, tiniyak ni Mayor Bataoil na tuluy-tuloy ang mga isinasagawang pagbabantay sa mga karagatan upang mapanatili ang kalinisan nito at gayon din ang pagbuo ng mga panuntunan upang maayos na matugunan ang pangangailangan ng mga mangingisda sa bayan.

Pinaigting din ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang pagsugpo sa mga iligal na gawain sa karagatan lalo na sa mga tinaguriang tourist spot. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan