
PAGPAPATAYO NG LDRRMO SUBSTATION, PINAGPLAPLANUHAN NA
Pinaplano na ng lokal na pamahalaan ng Lingayen, sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pagpapatayo ng substation ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council o LDRRMO sa bahagi ng baywalk.
Ang naturang proyekto ay isa lamang sa nakalinyang mga development plan ni Mayor Bataoil na layong palakasin pa ang emergency response capabilities ng bayan.
Kasama sa mga pinulong ang ilang kanatawan ng PNP, mga tauhan ng LDRRMO, mga barangay officials at chief tanods mula Brgy Poblacion at iba pang kalapit barangay.
Ayon kay Mayor Bataoil, bagama’t maituturing ng pinakamahusay ang LDRRMO Lingayen pagdating sa mga disaster management at emergency response units, kinakailangan pa rin umano ang pagpapabuti nito sa ibang mga aspeto.
Ang pagpapatayo naman ng substation nito ang pinakamainam umanong paraan upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga kababayan, hindi lamang tuwing may kalamidad o sakuna ngunit maging sa lahat aniya ng pagkakataon kabilang na ang pangangailangan ng sektor ng pangisdaan.
“Ang plano natin dito is to make this area truly usable and dependable LGU Unit whereby the fishermen can come over and seek assistance. We will help them also, we will invite investors upang mapalaki pa ang industriya at kabuhayan ng ating mga mangingisda” ani Mayor Bataoil.
Bukas din umano ang naturang alkalde sa ideya ng panghihikayat sa mga local at foreign investors upang mapalawig pa ang industriya ng pangingisda sa bayan at maiwasan ang krisis sa pagkain.
Samantala, umapela rin ang alkalde sa publiko na itigil na ang dynamite fishing na nagiging dahilan upang masira ang mga corals.
Ayon kay Mayor Bataoil, bagama’t ito ang pinakamadaling paraan ng pangingisda, maituturing pa rin umano itong iligal na gawain. (MIO)