Skip to main content

PAGPAPATUPAD NG MAS PINAIGTING NA QUARANTINE PROTOCOLS INI-UTOS SA MGA PUNONG BARANGAY

Muling nanawagan at nakiusap sa publiko ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na patuloy na mag-ingat at sumunod sa health protocols kahit pa nagbalik na sa mas maluwag na modified general community quarantine ang bayan.

Ito’y matapos na mapabilang ang Lingayen sa ikatlong ranko sa mga bayan na may pinakamataas o pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 sa buong probinsya ng Pangasinan noong ika-20 ng Oktubre, 2020.

Una nang tinawag ni Mayor Bataoil ang atensyon ng lahat ng mga punong barangay at iniutos ang heightened alert status lalong lalo na sa lugar na kanilang nasasakupan. Inihayag din nito na hindi siya magdadalawang isip na i-implementa ang localized lockdown sa mga bara-barangay lalo na kung hindi na kayang ikontrol at magtuloy tuloy ang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Nagbabala naman ang Municipal Health Office o MHO Lingayen na posibleng magkaroon ng panibagong bugso ng pagtaas ng kaso ng naturang virus kapag hindi nasunod ang safety protocols. Ayon sa naturang tanggapan, mahalaga pa rin na masunod ang mga minimum health standards at community quarantine protocols tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask, pagsusuot ng face shield, paghuhugas ng kamay at disinfection, social distancing, no talking at no eating sa mga pampublikong transportasyon, mas agresibong tracing, isolation, testing at treatment.

Naniniwala ang MHO na kapag sinunod ng bawat isa ang mga nabanggit na health protocols ay mapapababa ang transmisyon ng coronavirus sa bayan.

Samantala, sa pinakahuling tala ng Municipal Health Office, mayroong dalawampu’t siyam (29) na active case ang bayan, apatnapu’t walo (48) ang recovered at tatlo ang naitalang dead o nasawi ngunit umakyat pa ang bayan sa pangalawang bilang sa may pinakamaraning active case sa lalawigan ayon sa tala ng Provincial Health Office. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan