
PAGRESPONDE SA INSIDENTE NG SUNOG IBINAHAGI NG BFP LINGAYEN
Matagumpay na naisagawa ng Bureau of Fire Protection o BFP Lingayen ang dalawang araw na pagsasanay para sa mga kawani ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen.
Sumailalim sa training kaugnay sa Basic Offensive and Defensive Firefighting, Zero Visibility Search and Rescue, Classes of Fire and Offensive Approach ang mga nasabing empleyado.
Isinagawa noong Sabado (Marso 26) at Linggo (Marso 27) ang nasabing aktibidad. Layunin nito na bigyan pa ng sapat na kaalaman ang mga LDRRMO Personnel lalo na sa agarang pag-responde sakaling may sunog.
Sa pagsasanay, itinuro sa mga kalahok ang iba’t ibang klase o uri ng apoy, wastong pagtugon dito, paghahanap o ang search at rescue at iba pang mga first aid techniques.
Ayon sa LDRRMO, malaking tulong sa kanilang hanay ang naturang aktibidad dahil nadagdagan pa ang kanilang kaalaman pagdating sa pagresponde sa buhay at kagamitan lalo na kung may insidente ng sunog.
Samantala, ang nasabing aktibidad ay isa lamang sa mga nakalinyang aktibidad ng BFP Lingayen sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso. (MIO)