PAGSASANAY UKOL SA KAHANDAAN ITINURO SA MGA CVO NG BARANGAYS
Isang Basic Life Support and First Aid Training ang isinagawa ng mga kawani ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen upang maituro ang mga kaalaman ukol sa kahandaan sa anumang uti ng sakuna.
Sumailalim at naki-isa sa nasabing training ang mga Civilian Volunteer Organization at mga drivers ng bawat barangay.
Partikular na itinuro dito ay ang First Aid at Basic Life Support, manual at actual – na maaaring gawin lalo na sa panahon ng emergency.
Ibinahagi rin sa nasabing pagsasanay ang mga paraan tungkol sa basic bandaging ng mga sugat, pagbibigay ng Cardio-Pulmunary Resuscitation (CPR), pati na rin ang Vehicle Operation Training.
Ayon sa LDRRMO, malaking bagay ito hindi lamang para sa kahandaan ngunit upang mas mapaigting pa ang pagbibigay serbisyo sa mga kababayan lalo na sa oras ng pangangailangan.
Ang unang batch ng nasabing training ay ginanap sa Lingayen Evacuation Center noong Pebrero 7-8 habang kasalukuyan namang sumasailalim sa naturang pagsasanay ang ikalawang batch mula naman sa Central District.
Layunin ng pamahalaang lokal na masigurong ligtas ang mga kababayan sa lahat ng oras at pagkakataon lalo na ng mga frontliners mula sa bara-barangay.
Naniniwala naman si Mayor Leopoldo N. Bataoil na ang nasabing pagsasanay ang magmumulat sa mga mamamayan lalo na sa kahalagahan ng pagiging handa at alerto pagdating sa mga man made or natural calamities.
Ang nasabing training ay isa lamang sa serye ng mga nakahanay na pagsasanay ng LDRRMO ngayong taon para na rin sa kaligtasan ng publiko. (MIO)