Skip to main content

PAGSUNOD SA MINIMUM HEALTH PROTOCOLS IPINA-ALALA SA PUBLIKO


Hinimok ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang publiko na patuloy pa ring sundin ang mga ipinatutupad na mga health protocols kahit na unti-unti nang lumuluwag ang mga quarantine guidelines na ibinaba ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ang apela ay inanunsyo ng alkalde matapos idaos ang flag raising ceremony kaninang umaga, Marso 15, 2021.

Paalala nito, kahit nagbukas na ang maraming negosyo at marami ang gusto nang bumalik sa normal na mga gawain, dapat panatilihin ang health protocols hangga’t nariyan ang banta ng virus na matutugunan lamang ng vaccination program.

“Huwag tayo masyadong makumpyansa dahil sa ito ay nakakamatay. Marami pa rin sa ating kababayan nagdurusa dahil sa epekto at pagtama ng COVID-19” ani Mayor Bataoil.
Idinagdag din nito ang kahalagahan ng pagiging handa at alerto lalo na ng mga tumatayong frontliners sa bayan.

“Kinakailangan pa rin nating maging alerto lalo na ang ating mga frontliners. Dapat na matiyak na safe kayo. Ang taong bayan ay umaasa sa atin kaya dapat na ingatan natin ang ating mga sarili” pahayag ni Mayor Bataoil.

Samantala, muli namang nilinaw ng Municipal Health Office na ang pagdating ng bakuna sa bansa at pag-uumpisa ng vaccination program ay hindi rason para maging kampante.
Kailangan pa rin umanong hintayin na mabakunahan ang malaking bahagi ng populasyon at makamit ang herd immunity.

Panawagan ng naturang tanggapan, habang hindi pa ito nangyayari ay mahalagang huwag magpabaya at sumunod sa lahat ng mga ipinapatupad na health at safety protocols dito sa bayan ng Lingayen. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan