
PAGTALIMA SA ALITUNTUNIN SA BATAS TRAPIKO, MULING IPINAALALA SA PUBLIKO
Ipinaalala sa publiko ang istriktong pagsunod sa mga batas trapiko matapos muling masampulan ng Public Order and Safety Office o POSO Lingayen ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa bayan.
Sa pakikipagtulungan sa Lingayen Police Station, sinita at hinatak ng mga POSO enforcers ang sasakyan ng mga pasaway na motoristang patuloy pa ring pumaparada sa mga ipinagbabawal na lugar.
Ayon kay OIC POSO Chief Police Master Sgt. Elvenio Roque Ramos, layunin ng kanilang operasyon na paigtingin ang tama at maayos na pagpapatupad ng batas trapiko sa bayan.
Ayon pa sa opisyal, isa sa mga nagiging problema ang illegal parking ng mga pampubliko at pribadong sasakyan na nakakadagdag sa pagsisikip ng kalsada kung kaya’t marapa’t lamang umanong sitahin at huliin ang mga ito.
Maliban dito, tinututukan din ng kanilang tanggapan ang mga ginagamit na motorsiklo at kanilang tinitignan kung ito ay legal na nairehistro.
Ilan pa aniya sa kanilang mga nahuhuli ay ang mga may maiingay na tambutso ng motor na mahigpit an ipinagbabawal sa batas, mga walang lisensya, walang helmet, gayundin ang mga motoristang may pekeng lisensya.
“Hinuhuli natin talaga yong lumalabag sa batas. Sinumang may violation ay wala po talagang takas. Kaya pinapayuhan natin po yong mga motorista na sumunod na lamang po para maiwasan ang huli” ani Ramos.
Samantala, muli namang pinalawig ang palugit sa paglalagay ng harang o “barrier” sa motorsiklo hanggang Hulyo 31.
Ito’y upang mabigyan pa ng sapat na panahon ang kahilingan ng mga motorista na makasunod sa requirements patungkol sa usapin ng back riding.
Ayon sa PNP Lingayen, mayroon na lamang silang hanggang bukas upang sundin ang nasabing polisiya.
Asahan umanong mas magiging mahigpit na ang kanilang himpilan matapos ang nasabing petsa. Kanila na rin aniyang huhuliin ang sinumang hindi tatalima dito at papatawan ng karampatang multa at parusa. (MIO)