Skip to main content

PAGTATAPOS NG SQUAD WEEKLY INTERACTIVE MEETING NG MGA PULIS LINGAYEN, IDINAOS

Isinagawa ngayong araw Agosto 5, 2021 ang Culminating Ceremony para sa Squad Weekly Interactive Meeting o SWIM ng Lingayen PNP.

Dinaluhan ito ng nasa labin limang (15) mga Field Training Program (FTPs) na pawang mga nakadestino sa bayan.

Unang sinabi ni Lingayen Police Station Chief of Police, PLTCOL Jose L. Abaya II, na ang squad system ay may layuning magbigay ng emosyonal at sikolohikal na tulong sa mga tauhan ng PNP lalo na ng ilang miyembro nito na nahihirapang harapin ang trabaho dahil sa kinakaharap na pandemya.

Isa din umano ito sa kanilang paraan upang maiwasan ang mga emosyonal na problema tulad na lamang ng depreseyon sa kanilang hanay.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga ito dahil sa pagpapakita ng dedikasyon at responsibilidad sa kanilang trabaho sa gitna na rin nang nararanasang krisis dulot ng COVID-19.

‘Pinasasalamatan natin ang mga tao na kahit nahihirapan na ay nandiyan pa rin to perform their duties and responsibilities, and sometimes beyond their call of duties’ ani Mayor Bataoil.

Hiniling din ng alkalde na magkaisa ang mga ito upang ipagpatuloy ang magandang misyon ng PNP pati na ang pagbibigay ng maayos na serbisyo publiko.

Sumailalim sa tatlong buwang intervention ang mga nasabing FTPs kung saan naging gabay nila dito si Pastor Antonio Arboleda. Present din sa naturang aktibidad si Rev. Rolando E. Santiago, BOCS Coordinator Region 1 na nagbigay din ng maikling mensahe sa mga kasapi.

Sa ilalim ng Squad System, bubuo ng isang grupo ang mga pulis at magtatalaga ng isang lider na sasanay at magpapayo sa mga miyembro lalo na sa oras ng kanilang pangangailangan. Malaking tulong ito upang mamonitor ang pag-uugali at kinikilos ng mga pulis ngayong pandemya kung saan karamihan sa mga ito ay nakakaranas ng mental health issues.

Samantala, apat na natatanging indibidwal naman ang binigyang pagkilala ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen kasabay ng aktibidad.

Binigyan ng Certificate of Recognition sina Kapitan Jonathan Ramos ng Brgy. Wawa, Benjamin Sison MFARMC President, Randy Castro TODA Federation President at si Joan Jude Lopez, Local Civil Registrar Officer at Bids and Awards Committee Chairman na pawang mga nagpakita ng natatanging pagtupad sa tungkulin at maayos na serbisyo sa publiko. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan