
“Paigtingin pa ang pag-iingat kontra sa COVID-19”
Ito ang panawagan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa kanyang mga kababayan dahil sa muling pagdami ng COVID-19 cases, hindi lamang sa bayan at probinsya ngunit maging sa buong bansa.
Sa katunayan, pinulong nito ang mga department heads ng munisipalidad, Abril 6, 2021 upang ilatag ang mga hakbang na maaaring gawin ng lokal na pamahalaan laban sa nasabing virus.
Kabilang sa mga natalakay ay ang pagkakaroon ng emergency program sa tatlumpu’t dalawang (32) barangay sa bayan kung saan pinaplano ang pagbibigay ng Covid kit pack na maaaring gamitin ng mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).
Pinag-aaralan na rin ang paglalaan ng pondo o budget para sa covid vaccine procurement. Ito ay upang mabakunahan hindi lamang ang mga frontliners ngunit maging ang lahat ng mga eligible groups/individuals.
Ayon sa alkalde, mahalaga na maibigay ang angkop na proteksyon sa kanyang mga kapwa kababayan upang masigurong ligtas ang mga ito sa banta ng nasabing virus.
Sa ngayon, patuloy ang paki-usap ni Mayor Bataoil sa publiko na seryosohin ang pag iingat at paglaban sa COVID-19. Gawin aniyang bahagi ng pang araw araw na buhay ang pagsusuot ng facemask, dagdag proteksyon na face shield, madalas na paghuhugas ng kamay at pag obserba o pagsunod sa social distancing.
Nanawagan din ito sa mga barangay officials na istriktuhan ang implementasyon ng mga health protocols sa kanilang mga nasasakupan upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng positibong kaso sa bayan. (MIO)