
‘Paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga programa o kampanya laban sa sakit na Dengue.’
Ito ngayon ang muling panawagan ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasabay ng paggunita ng Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo.
Layunin nitong mas mamulat ang publiko sa marapat na pag-iingat na dapat gawin upang maiwasan ang nakamamatay na sakit lalo na ngayon na ideneklara na ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.
Sa datos ng Municipal Health Office o MHO Lingayen, nakapagtala ang bayan ng labing tatlong (13) kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Mayo 26, 2022. Mayroon lamang tig isang kaso ang mga sumusunod na barangay:
Balococ, Domalandan Center, Libsong East, Matalava, Namolan, Poblacion, Pangapisan North at Sabangan.
Habang ang Brgy. Tonton naman ay nakapagtala ng tatlong kaso (3) at dalawa (2) sa Maniboc.
Upang maka-iwas sa komplikasyong dala ng dengue, payo ng MHO Lingayen na sundin ang 4s habit na kinabibilangan ng search and destroy, self-protection measures, seek early consultation at support fogging o spraying.
Panatilihin umano ang kalinisan sa kapaligiran upang hindi pamugaran ng mga kiti-kiti at mga lamok na posibleng nagdadala ng dengue virus.
Siguraduhin ding may proteksyon laban sa kagat ng lamok tulad ng paglalagay ng insect repellant lotion sa katawan, pagsusuot ng damit na may mahabang manggas at paggamit ng kulambo kung matutulog.
Agad ipakonsulta sa doktor ang pasyenteng may sintomas ng sakit at suportahan ang anumang fogging o spraying sa inyong lugar o komunidad.
Bagama’t simple lamang ang mga nabanggit na hakbang ay napakalaking tulong umano upang hindi maging biktima ng sakit.
Kaugnay naman sa kampanyang ito ay ang pagpapalawig pa sa Education at Information Dissemination Campaign ng Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan ng ABKD o Aksyon Barangay Kontra Dengue sa mga komunidad pati na ang pagkakaroon ng regular clean up drive at Operation Taob. (MIO)