Skip to main content

PAKIKI-ISA NG PUBLIKO HINILING PARA SA MATAGUMPAY NA ROAD CLEARING

Nagsimula na ang operasyon ng Demolition Team ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa ginagawa nitong “clearing road operations” sa iba’t ibang barangay sa bayan.

Kabilang sa kanilang inaalis ay ang mga road obstructions, mga extensions o mga tindahan na humaharang sa daan.

Sinimulan na ring sitahin ang mga ambulant vendors na naglalako sa mga gilid ng kalsada na nagiging sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko.

Hiniling naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pakiki-isa ng publiko at pagkukusang magbaklas na ng mga obstruksyon sa daan para sa mabilis at maayos na implementasyon ng road clearing.

Mahigpit naman ang bilin ni Mayor Bataoil sa demolition team na bago magsagawa ng anumang operasyon ay abisuhan muna ang mga maapektuhan nito.

Aniya, kaakibat ng kanilang trabaho ang maayos na pakikipag usap sa mga may ari ng mga gigibaing istruktura. Importante din umano na bigyan muna ang mga ito ng oryentasyon kasabay ng paglalatag ng ‘social preparation’ at mga kasunduang legal ukol sa usaping kinakaharap nila.

‘Pakiusap ko sa inyo as your Task Force Commander, best efforts ang gawin natin. Huwag ninyo kakalimutan na sabihan at pakiusapan ng maayos at may respeto yong mga may ari. Huwag niyo basta gigibain agad, napaka importante na abisuhan ninyo muna sila.” ani Mayor Bataoil.

Kanya ding ibinilin na boluntaryong ibigay ang kanilang tulong sa mga kababayan na nahihirapan o walang kakayahang gibain ang mga naipatayong iligal na istraktura sa kanilang lugar.

“Magoffer kayo ng tulong ninyo. Kung kelangan nila ng truck or anumang tools na mayroon kayo, ipahiram niyo.” dagdag pa ng alkalde.

Target na matapos ng LGU Lingayen ang nasabing operasyon sa January 15, 2021. Matatandaan na binigyan lamang ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga LGU ng 60 araw para makasunod sa nasabing direktiba ng national government. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan