
PAMANANG YAMAN, PRODUKTONG PANGASINAN CARAVAN SA LINGAYEN, TAGUMPAY!
Tagumpay na nailunsad sa bayan ng Lingayen ang Pamanang Yaman, Produktong Pangasinan (PYPP) karaban ng Provincial Government sa pamumuno ni Governor Amado “Pogi” I. Espino III.
Nag-umpisa ngayong araw ng Lunes, Oktubre 26, 2020 ang nasabing karaban na magtatagal hanggang bukas, October 27.
Sa ginanap na flag raising ceremony, pinasalamatan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang butihing gobernador matapos nitong piliin at isama ang Lingayen sa mga bayan na pagdarausan ng kanilang mga magagandang programa.
“We would like to thank our beloved Governor Amado Espino III for this initiative of going around or sending all over the province the Pamanang Yaman, Produktong Pangasinan Caravan. It is very noble project for our beloved province” ani Mayor Bataoil.
Bagama’t hindi naman nakadalo ng personal si Gov. Espino sa pagsisimula ng nasabing aktibidad, dumating naman si Board Member Nikkiboy Reyes na siyang naging guest speaker sa munting programa.
Sa kanyang maikling mensahe, ipinaliwanag nito ang kahulugan at layunin ng naturang karaban. Aniya, ang PYPP ay brainchild project ni Gobernador Amado I. Espino III na naglalayong matulungan ang mga lokal na negosyante, partikular na ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng COVID-19 pandemic.
Ang naturang hakbang ay hindi lang umano simpleng pagbebenta bagkus ito ay nagpapakita kung paano susuportahan at bubuhayin ang mga produkto sa probinsya pati na ang pagtulong upang ibangon muli ang ekonomiya.
“Ipinapakita po ng Abig Pangasinan kung papaano po natin ibangon ng ating ekonomiya. Kinakailangan po na magtulungan tayo. We buy our own products sa tulong ng provincial government. Bibilhin ng lalawigan ng Pangasinan at cost, ibebenta ito at ni kusing walang tubo” pahayag ni BM Reyes
Tampok sa nasabing karaban ang mga lokal na produkto tulad na lamang ng mga kakanin o native cakes, bayong, basket buri planter, dried seafood products, at preserved food products habang pinaka mabenta umano sa mga bayang kanilang napuntahan ay ang ipinagmamalaking Lingayen bagoong ng bayan. Naging kakaiba rin ang PYPP dito dahil sa pagtatampok ng sari-sarising produkto ng bayan ng Lingayen gaya ng Lingayen lechon bagoong, bagoong longganisa at marami pang iba.
Hinikayat naman ni Mayor Bataoil ang kanyang mga kababayan na magtungo at bumisita sa harap ng Lingayen Municipal Hall hanggang bukas at bumili ng mga mga produktong gawang Pangasinense. (MIO)