Skip to main content

PANGKABUHAYAN HATID NG DTI SA ILANG NEGOSYANTE SA BAYAN

Nakatanggap ng Sari-Sari Store Livelihood Kits mula sa Department of Trade and Industry o DTI ang mga piling negosyante sa bayan ngayong araw Oktubre 15, 2020.

Nagkaroon ng simpleng seremonya ang DTI upang ibahagi ang kanilang programang `Negosyo Serbisyo sa Barangay’ kung saan nabigyan ng livelihood kits ang mga maliliit na negosyante na lubos na naapektuhan ng pandemya.

Ayon kay Ginoong June Reyes, Senior Trade-Industry Development Specialist ng DTI Pangasinan, layon ng kanilang programa na matulungan na muling makapagsimula ang mga ito sa kanilang kabuhayan lalo’t karamihan umano sa kanila ay nakaranas ng pagkalugi simula nang ipatupad ang quarantine sa bansa.

Sampung (10) mga negosyante naman mula sa sampung piling barangay sa bayan ang nabiyayaan ng assorted groceries o negosyo kits.

Tiniyak naman ng DTI Pangasinan na ang mga benepisyaryo o mga nabigyan ng sari sari store livelihood kits ay mga negosyanteng rehistrado sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng munisipalidad at hindi nakatanggap na amelioration o anumang assistance mula sa DOLE at DSWD.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa DTI lalo na sa mga bumubuo nito dahil sa tulong na inihatid at ibinigay sa kanyang mga kababayan.

“Nagpapasalamat ako sa DTI at nabigyan kayo ng ganitong pagkakataon. Gamitin ninyo yan para makapagsimulang muli. Sana ay magtuluy-tuloy pa ang ganitong pagtulong mula sa iba’t ibang ahensya para sa mga kababayan natin,” ani Mayor Bataoil. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan