Skip to main content

PCOO ROADSHOW 2021 BUMISITA SA PANGASINAN, FOI AT VACCINATION TINALAKAY

Bumisita sa lalawigan ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) Roadshow 2021 ngayong ika-11 ng Pebrero na ginanap sa lungsod ng Dagupan.

Personal na nagtungo dito sina PCOO Usec. Atty. Kristian Ablan, PCOO Asec JV Arcena, Bureau of Communications Services Dir. Pebbles Duque and Sec. Karlos Nograles, Co-Chairperson ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) upang talakayin ang mga programa ng gobyerno sa kabila ng kinakaharap na pandemya ng bansa.

Sa harap ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, lokal na pamahalaan kabilang na si Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil na kumakatawan rin ng League of the Municipalities of the Philippines Pangasinan Chapter, mga information officers, media at iba pang sektor sa lipunan binigyang diin ang implementasyon ng Freedom of Information (FOI) o ang pagsusulong ng paggamit ng karapatan ng mamamayan na magkaroon ang access o malaman ang mga datos o impormasyon kaugnay sa gawain ng pamahalaan.

Dito hinikayat din ni PCOO Usec Ablan ang mga LGUs na magpasa ng kani-kanilang ordinansa ukol sa FOI. Tinalakay din niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng wasto at tamang impormasyon lalo na ngayong dumaranas ang bansa ng krisis pangkalusugan.

Samantala nagkaroon rin nang ceremonial signing bilang suporta sa pagpapatupad ng FOI. Buo naman ang pakiki-isa dito ng pamunuan ng LMP Pangasinan at nangakong magpapasa ng ordinansa partikular ang kanyang bayan si Mayor Bataoil ukol sa naturang kautusan.

Sa mensahe naman ni Sec. Nograles ibinahagi niya ang mga programang patuloy na isinasagawa ng gobyerno sa kabila ng paglaban sa COVID-19 tulad ng pagbibigay umano ng ayuda o kaukulang assistance sa iba’t ibang sektor na labis na apektado ng pandemya. Nanawagan rin si Nograles sa mga LGUs na tulungan ang gobyerno na ipaunawa sa publiko ang kahalagahan ng pagpapabakuna kontra sa naturang virus.

Ang vaccination program umano ang pinakamalaking tsansa ng bansa upang makabalik muli sa normal. Bagamat may mga agam-agam tiniyak niyang ito ay masusing pinag-aaralan at idinadaan sa tamang proseso.

“Kami sa gobyerno- hinding hindi po kami papayag na mag rollout ng vaccine hanggat di na-assure na ito ay safe at effective para sa lahat. Umaasa po ako sa inyong tiwala at kooperasyon”, dagdag ng kalihim.

Pinasalamatan din ng kalihim ang pakikipagtulungan ng mga LGU sa mga programa ng national government at malaki umano ang inaasahan sa mga ito para sa ikatatagumpay ng rollout ng vaccine sa buong bansa.

Sa huli panawagan sa publiko na patuloy pa ring sumunod sa mga minimum health standards upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon ng bansa ngunit mahalaga umano na magpabakuna ang lahat ng mga qualified recipients upang matuldukan na ang itinuring niyang ‘bangungot’ sa kasalukuyan na tinatawag umano nating COVID-19. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan