Skip to main content

PCSO PANGASINAN BRANCH NASA BAGO NA NITONG TAHANAN, SA BAYAN NG LINGAYEN

Nagsagawa ng ribbon-cutting at blessing ang bagong opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office PCSO-Pangasinan Branch ngayong araw Pebrero 19, 2021 sa bago nitong lokasyon, ang bayan ng Lingayen.

Nanguna sa nasabing aktibidad si Governor Amado “Pogi” I. Espino III na siyang ama ng probinsiya, Mayor Leopoldo N. Bataoil na kumakatawan rin ng League of the Municipalities of the Philippines Pangasinan Chapter at host Mayor, GM Royina M. Garma ang General Manager ng PCSO at iba pang mga matataas na opisyal nito.

Isang misa ang idinaos na sinundan ng ribbon-cutting ceremony, pagbabasbas ng tanggapan at simpleng programa.

Unang nagpa-abot ng kanyang pasasalamat si Mayor Bataoil sa PCSO matapos ang opisyal nitong pagpili sa Lingayen na siyang Capital Town para pagtayuan ng kanilang bagong opisina.

Aniya, ngayon pa lamang ay kanya ng nakikita ang potensyal na maitutulong ng bagong opisina sa publiko lalo na sa kanyang mga kababayan ngunit tiyak naman aniyang patuloy na magbibigay serbisyo ang PCSO sa ibang bayan sa lalawigan ng Pangasinan.

Hinikayat naman ni Gov. Espino ang mga opisyal at empleyado ng PCSO na ipagpatuloy lamang ang maayos na paglilingkod at pagbibigay ng tulong lalo na sa mga taong nangangailangan.

“Congratulations po at sama sama po tayong magsilbi para sa buong probinsya ng Pangasinan at para po sa ating mga kababayan” ani Gov. Espino.
Lubos din ang pasasalamat ng General Manager ng PCSO na si Ms. Garma hindi lamang sa alkalde at gobernador ngunit maging sa lahat ng kababayan na sumusuporta sa kanilang tanggapan.

Aniya, sisikapin ng PCSO na ibigay ang mga tulong na para sa mga kababayan lalo na sa mga higit na nangangailangan.

“Galing po sa PCSO, maraming maraming salamat po sa inyo. Hindi po kami nangangako, but it is our mandate to serve people especially those who are in need”.

Maliban sa mga licensed games, layunin ng PCSO na magbigay ng pangunahing serbisyo o medical assistance lalo na sa mga may sakit na kababayan.

Bukod pa rito, mayroon din silang charity program, patient transport vehicles program, medicine donation program, institutional partnership program kasama ang DSWD at marami pang iba. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan