PEACE COVENENT SIGNING NG PROVINCIAL AT LINGAYEN CANDIDATES IDINAOS SA BAYAN
Isang misa na sinundan ng unity walk at lagdaan peace covenant para sa isang mapayapa at patas na eleksyon para mga tatakbong lokal na kandidato sa probinsya at bayan ng Lingayen ang isinagawa sa munisipalidad ngayong araw, ika-28 ng Pebrero, 2022.
Sa sermon ni Lingayen/ Dagupan Archbishop Socrates Villegas sinabi niyang ang darating na Eleksyon 2022 ang guguhit sa ating mga kapalaran. “Magtanong tayo sa Diyos kung tama ba na tumakbo ako pwesto? Sa ating pagboto dapat magtanong din tayo sa Diyos.” Dapat umanong sundin ang bulong kunsensiya, bumoto ng mga kandidatong sumusunod sa sampung utos ng Diyos at inuuna ang kapwa tao bago ang sarili.
Matapos ang misa, mula sa Epiphany of Our Lord Co-cathedral Parish sabay-sabay na nagsagawa ng unity walk ang mga kandidato at kanilang mga taga suporta hangangang sa Lingayen Civic Center kung saan isinagawa ang interfaith prayer at peace covenant signing ng bawat kandidato.
Nakilahok dito si Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil at ang kanyang buong line-up na nakiki-isa sa pagsusulong ng isang payapa at maayos na halalan.
Ayon kay Atty. Ericson Oganiza, provincial election supervisor ng COMELEC Pangasinan, ang paglahok ng mga kandidato sa naturang aktibidad ay isa lamang na katibayan ng kanilang pagsuporta sa pagkakaroon ng maayos na halalan ngayong Mayo.
Layunin din umano nito na himukin at ipakita ang pagkakaisa ng mga kandidato pati kanilang pagsunod sa nilagdaang kasunduan na mapanatili ang isang malinis tapat, ligtas, matiwasay at makabuluhang eleksyon sa probinsya.
Magkasama itong itinaguyod ng Philippine National Police (PNP), BJMP, BFP, Philippine Army, Commission on Elections (Comelec), Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pang mga ahensiya katuwang ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting ( PPCRV).
Mandato ng PPCRV na magsagawa ng mga voters education, pagsasagawa ng mga parallel manual auditing sa araw ng eleksyon, poll watching at monitoring. Pati na rn ang pagbibigay ng libreng legal assistance na may kaugnayan sa halalan.
Samantala, magsisimula ang official campaign period ng mga lokal na kandidato sa darating na Marso 25, 2022 at inaasahang susundin ng mga kalahok ang kanilang ipinangakong panata upang maidaos at magkakaroon ng maayos, malinis, tapat at payapang halalan sa buong lalawigan. (MIO)