
PENALTY COLLECTION NG POSO LINGAYEN, BUMABA SA BUWAN NG PEBRERO
Bumaba ang penalty collection ng Public Order and Safety Office o POSO Lingayen ngayong buwan ng Pebrero.
Ito ang kinumpirma ng Municipal Treasury Office kaugnay sa mga lumalabag sa batas trapiko na ipinapatupad sa bayan.
Sa tala ng ahensya, umabot sa isang daan siyamnapu’t dalawang libong piso (P192.000.00) ang kanilang koleksyon, mas mababa ito ng 33 percent sa koleksyon noong buwan ng Enero na nasa dalawang daan walumpu’t siyam na libong piso (P289.000.00).
Lubos naman itong ikinatuwa ng tanggapan ng POSO Lingayen at sinabing isang magandang indikasyon ang nabanggit na datos.
Ayon sa naturang opisina, ang pagbaba ng kita ay nagpapatunay lamang na marami na ang nakasusunod sa batas trapiko na ipinapatupad sa bayan.
Bagama’t kabawasan sa penalty collection, masaya na umano ang POSO Lingayen dahil tumaas na ang bilang ng mga disiplinadong mga drayber sa lansangan.
Nagpasalamat din ang naturang tanggapan sa kooperasyon ng publiko lalong lalo na sa mga motorista. Kasabay nito ay ang kanilang muling panawagan na tumalima sa ipinapatupad na batas trapiko upang maiwasan ang pagkahuli at pagmumulta. (MIO)
photos by: Dherick De Guzman