Skip to main content

PEOPLE’S DAY ITATAKDA TUWING BIYERNES NG UMAGA PARA SA MGA LINGAYENENSE

Magkakaroon na ng People’s Day sa bayan ng Lingayen.

Sa pinagtibay na Executive Order No. 19, Series of 2021, ideneklara ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang araw ng Biyernes bilang “The People’s Day”.

Nangangahulugan ito na maaaring magtungo sa kanyang opisina ang sinumang kababayan na may problema, hinaing, reklamo o iba pang saloobin na nais ipaalam sa alkalde.

Personal na haharapin ni Mayor Bataoil ang sinumang lalapit sa kanya upang pakinggan at ayusin ang anumang isyung kanilang ipaparating o idudulog.

Magsisimula na ito bukas, Marso 12, 2021 sa ganap na alas otso hanggang alas onse ng umaga (8:00-11:00).

Layunin ng People’s Day na mapakinggan ang saloobin ng publiko, lalo na ng mga mahihirap na kababayan at maresolba ito sa lalong madaling panahon.

Una ng sinabi ng alkalde na bukas siya anumang kritiko at batikos na ibabato sa kanya.

“Libre ang bumatikos. Anuman ang sasabihin niyo sakin, tatanggapin ko yan. Welcome sa akin at hinding hindi ko tatalikuran ang anumang suggestion o kahit pa mga pagpuna ninyo sa aking pamamahala”.

Sa kabila naman nito ay nangako pa rin si Mayor Bataoil na kanyang ipagpapatuloy ang pagbibigay ng maayos na serbisyo publiko lalo’t ito aniya ang kanyang sinumpaang tungkulin.

“Wala kami sa pwesto at katungkulan kung hindi dahil sa inyo. Asahan ninyo na hindi namin tatalikutran at gagampanan namin ang tungkulin na ito.” ani Mayor Bataoil.

Samantala una na ring nagsasagawa ng pagbisita ang alkalde sa mga bara-barangay upang alamin ang mga idinudulog sa mga lider ng barangay, na siya ring unang nilalapitan ng ating mga kababayan sa komunidad.

Palala naman sa publiko na mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum health protocol tuwing People’s Day tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pag-obserba ng social distancing. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan