Skip to main content

Pinag-aaralan na ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang pagbili ng karagdagang bakuna kontra COVID-19

Sa isinagawang Local IATF/Department heads meeting kahapon Agosto 9, 2021, binigyang diin ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pangangailangan na bumili ng mga bakuna para sa kanyang mga kababayan bilang karagdagang tulong sa vaccine roll out ng pamahalaan.

Naniniwala ang alkalde na mas mapapabilis ang ginagawang vaccination sa bayan kung bibili ng bakuna ang lokal na pamahalaan.

Una nang inihayag ng Municipal Health Office o MHO Lingayen na ang mga dumadating na bakuna mula sa national government ay limitado lamang at hindi sapat upang mabigyan agad lahat ng nais mabakunahan.

Ito rin umano ang isa sa mga dahilan kung bakit mabagal ang pag usad ng vaccination rollout dito sa bayan.

Sa ngayon, inatasan na ni Mayor Bataoil ang Local Finance Committee na lumikom ng sapat na pondo o budget para sa pagbili ng naturang bakuna upang agad na maipagkaloob sa publiko.

Matatandaan na una nang humiling ang alkalde sa national government partikular na sa kagawaran ng kalusugan upang hilingin na dagdagan ang mga bakunang ibinibigay sa bayan.

Ayon kay Mayor Bataoil, parte ng COVID-19 recovery plan ng LGU Lingayen ang mabakunahan ang 70% populasyon ng bayan upang maabot ang herd immunity, kung kaya’t patuloy itong humihiling ng karagdagang suplay sa pambansang pamahalaan.

Patuloy naman ang paalala sa publiko na bagama’t may bakuna na ay huwag pa ring pakampante bagkus gawin at sundin pa rin ang ipinapatupad na health protocols upang masigurong ligtas sa banta ng nasabing virus. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan