
PINAIGTING NA INSPEKSYON, IPINATUTUPAD SA MGA CLOSE VAN
Naglatag ng mas pinaigting na seguridad ang Philippine National Police o PNP Lingayen kahit pa walang nakikitang banta ng iligal na aktibidad sa bayan.
Bukod sa kanilang checkpoints, nagsagawa din ang pulisya ng inspeksyon sa mga dumaraan na closed van upang masiguro na walang iligal na kargamento ang pumapasok at lumalabas ng Lingayen.
Ayon sa PNP, kahit may health crisis ay hindi titigil ang pambansang pulisya sa paghabol sa mga kriminal at pagsugpo sa iligal na gawain.
Isinagawa ang naturang hakbang upang mas madaling makaresponde ang pulisya sa anumang posibleng mangyari.
Samantala, muling inihayag ni Police Lieutenant Col. Theodore Perez, hepe ng Lingayen Police Station, na wala silang sasantuhin sa sinumang mahuhuli na sangkot sa iligal na pagsusugal, iligal na droga at iba pang mga iligal na gawain.
Tiniyak nito na mananagot ang sinumang mahuhuling lalabag sa batas.
Kasabay naman nito ay ang kanyang panawagan sa publiko na huwag matakot magsumbong sa kanilang himpilan kung may mga impormasyon kaugnay sa mga nasasangkot sa iligal na aktibidad upang agad nila itong matugunan at maaksyunan. (MIO)