Skip to main content

PLASTIC ORDINANCE, MAHIGPIT NA IPATUTUPAD

Paiigtingin ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang pagpapatupad ng ordinansang nagbabawal sa paggamit ng plastik sa buong bayan.

Sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, tinalakay muli ang paglalagay ng pangil sa Municipal Ordinance No.2 S-2011 o mas kilala bilang “AN ORDINANCE PROHIBITING THE USE OF PLASTIC BAGS ON DRY GOODS AND REGULATING ITS UTILIZATION ON WET GOODS AND PROHIBITING THE SALE AND USE OF STYROFOAM IN THE MUNICIPALITY OF LINGAYEN AND PRESCRIBING THE PENALTIES THEREOF.”

Laman ng naturang ordinansa ang pagbabawal sa paggamit ng non-biodegradable plastic bags, styrofoam at mga kauri nito bilang packaging material.

Nilinaw ni Mayor Bataoil na pinapayagan lamang ang paggamit ng plastic bags bilang primary packaging ng mga bibilhing produkto sa palengke gaya ng mga karne at isda. Pero aniya, hindi na ito maaari pang ilagay sa isa pang plastic bag bilang pangalawang pambalot.

Nirekomenda naman ni Market Supervisor Arnulfo Bernardo na mas mainam magdala na lamang ng food storage box upang doon ilagay ang mga pinamiling isda at karne. Para sa mga dry-goods naman, magdala na lang umano ng mga eco-friendly bags para hindi na kailangang ibalot sa plastic ang mga pinamili.

Pinagbabawalan na din ang mga catering service providers at suppliers na gumamit ng bags, straws, cups, plates at utensils na gawa sa non-biodegradable plastic o kaya polystyrene na gagamitin sa packaging at sa pagkain lalo na kung may aktibidad o pagtitipon sa bayan.

Ayon kay Municipal Administrator Roberto Sylim, ang mga plastic products ang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng pagbara sa mga drainage system at waterways na sanhi ng baha at paghina ng likas na kapaligiran kung kaya’t dapat lamang itong ipagbawal.

Bukod sa mga mamimili at mga catering service providers, bawal ding gumamit ang mga tindahan o iba pang mga business establishments sa bayan ng mga sando bag at iba pang plastik para lagyan ng kanilang ibinebenta.

Nagbabala naman si Mayor Bataoil na ipapahuli nito ang sinumang lalabag sa naturang usapin. Ayon sa opisyal, papatawan ng parusang pagbabayad ng P500 sa unang paglabag, habang P1000 kapag naulit pa ito. Aabot naman sa P2,500 na maaari pang madagdagadan ng pagkakakulong ng hindi hihigit sa anim na buwan ang maaaring ipataw sa ikatlong paglabag.

Taong 2011 ng unang binalangkas ang nasabing ordinansa na akda mismo ni dating konsehal at ngayo’y Bise Alkalde na si Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho.

Panawagan nito sa publiko na sana ay mas mapaigting ang ganitong gawain bilang tulong na rin umano sa kalikasan at para makabawas sa bilang ng gumagamit ng plastic hindi lamang sa bayan ng Lingayen ngunit maging sa buong bansa. (MIO)

#ArangkadaLingayen
#DisiplinaMuna

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan