Skip to main content

PNP LINGAYEN, MAS HINIGPITAN ANG PAGBIBIGAY NG TRAVEL AUTHORITY

Muling nilinaw ng Philippine National Police o PNP Lingayen na kanilang hinigpitan ang paglalabas ng travel authority para sa mga Locally Stranded Individuals o LSIs.

Ito ay upang maiwasan ang pagkahawa-hawa ng coronavirus disease o COVID-19 sa bayan.

Ayon sa naturang tanggapan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbyahe ng mga LSI lalo na kung walang koordinasyon sa kanila.

Kinakailangan umanong makipag ugnayan muna sa kanilang himpilan upang maisyuhan ng travel authority bago tuluyang makabalik sa kanilang mga sariling bayan o probinsya.

Dagdag pa ng PNP, dapat masigurong may tamang koordinasyon ang biyahe ng mga LSIs sa uuwiang Local Government Unit (LGU) lalo na ang mga nagmumula sa National Capital Region o NCR.

Nilinaw din ng pulisya na ang mga locally-stranded individuals (LSIs) at returning Overseas Filipinos (ROFs) lamang ang kinakailangang kumuha ng travel authority habang ang mga empleyadong nagbabalik-trabaho ay kailangan lamang magpakita ng kanilang mga company IDs.

Kung wala naman aniyang IDs, maaaring ipakita ang certificate of employment sa mga PNP quarantine control points (QCPs) upang mapatunayan ang mga ito ay nasa kategorya ng Authorized Person Outside of Residence (APOR).

Sa pagkuha ng travel authority ay kailangang may Batangay Certification at Medical Clearance Certificate na isyu ng Municipal Health Office MHO Lingayen at isumite ito sa help desk ng kanilang himpilan upang mareview at mabigyan ng travel authority.

Nangako naman ang PNP Lingayen na ang lahat ng stranded individuals sa bayan ay makakabalik sa kanilang mga lugar basta’t mayroon silang mga kaukulang dokumento na pinanghahawakan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan