
POSO LINGAYEN, PANSAMANTALANG PAMUMUNUAN NG PNP
Itinalaga ni Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil si Police Master Sgt. Elvenio Roque Ramos ng Lingayen PNP bilang pansamantalang mamumuno sa Public Order and Safety Office (POSO) noong ika-9 ng Hulyo, 2020 kasunod nang pagbibitiw sa tungkulin ni dating POSO chief, Joseph Konrad Arias.
Si PMSgt. Ramos ang siyang hahalili muna sa POSO chief habang wala pang nakikitang papalit kay Arias. Si Ramos ay naka-assign bilang traffic section chief sa Lingayen Police Station kaya siya ang inirekomenda ni PLt.Col. Theodore Perez kay Mayor Bataoil upang humawak sa tanggapan.
Ayon kay Mayor Bataoil, matagal nang nagpapaalam sa kanya si Arias dahil nais umano niyang pagtuunan muna ang kanilang family business na kalaunan ay pinayagan na rin umano ng alkalde.
“Alam ninyo naman si Jo kapag binigyan ng misyon, serious yan eh. Halos hindi na rin siya natutulog kahit na maraming batikos dyan, left and right pero sa totoo lang he’s really very devoted na chief ng POSO. Kaya ako kapag career advancement or family matters, supportive ako dyan kaya pinayagan ko na rin siya”, ayon kay Bataoil.
Ipinagpasalamat naman ni Mayor Bataoil ang dedikasyon at sakripisyo ni Arias sa kanyang trabaho gayundin ang nakita niyang sipag at walang kapagurang pagsisilbi hindi lamang ng POSO kundi maging mga kawani ng Municipal Disaster Risk and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) at kapulisan sa panahon man ng mga naglalakihang pagdiriwang bayan o ngayong panahon ng pandemya.
“I acknowledge all your efforts especially during town fiesta, various activities and now na may COVID-19 pandemic tayo”, dagadag pa ng alkalde.
Pinaalala rin ng Mayor Bataoil na bagamat tungkulin ng pulis ang traffic management at peace and order, kinakailangan umano ng tulong ng mga ito mula sa POSO at MDRRMO upang mas makatugon sa pangangailangan ng taumbayan.
Mahigpit rin niyang binalaan ang mga ito na huwag tangkaing tumanggap ng suhol o “kotong” mula sa mga motorista.
Samantala positibo naming tinanggap ni Ramos ang kanyang bagong assignment mula sa alkalde at nangakong gagawin ang kanyang makakaya upang maayos ang trapiko sa bayan at ang operasyon ng tanggapan ng POSO. (MIO)