Skip to main content

PRODUKTONG PANG AGRIKULTURA IBINENTA SA MAS ABOT KAYANG HALAGA


Matagumpay na inilunsad sa bayan ng Lingayen ang kauna-unahang KADIWA (Kaagapay sa Diwa at Gawa) ni Ani at Kita Project ng Department of Agriculture. Ang aktibidad na ito ay may mga panindang gulay, bigas, isda, prutas at ibang uri ng pangunahing pagkain mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa probinsya.

Naisakatuparan ang nasabing programa dahil na rin sa pagtutulungan ng Pangasinan Provincial Agriculture Office katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.

Sinimulan ito sa isang maikling programa kung saan nagbigay ng mensahe ang ilang mga opisyal tulad ni Mayor Bataoil. Binanggit ng alkalde na isa ang sektor ng agrikultura sa kanyang mga itinataguyod na adbokasiya kung kaya’t hindi na ito nagdalawang isip pa na aprubahan ang pagsasagawa ng naturang aktibidad noong una itong iprenesenta sa kanya.

Hindi naman nito nakalimutang pasalamatan ang national at provincial government sa pagbuo at pagsasagawa ng makabuluhang proyekto na makakatulong sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka sa probinsya.

“I would like to commend the initiative of the national and provincial government in initiating this kind of project to highlight the importance of small-medium enterprises who will benefit directly our local farmers. Ito po ang isa sa mga advocacies ko as your Mayor.” anang alkalde.

Pinaplano na ring magkaroon ng sariling KADIWA ang Lingayen upang mabigyan naman aniya ng pagkakataon ang mga magsasaka at mangingisda sa bayan na direktang maibenta ang kanilang mga produkto sa consumers at hindi na dumaan pa sa iba’t ibang traders.

Samantala, isang malaking oportunidad para kay Ginoong Allan Rose Quita na mula pa Alcala, Pangasinan ang pagsali sa naturang aktibidad. Bilang isang magsasaka ay malaki umanong tulong ang KADIWA dahil nagkaroon sila ng pagkakataon na personal na maibenta ang kanilang mga aning gulay at prutas na mas sariwa at mas murang halaga.

Layunin ng KADIWA NI ANI AT KITA na mapataas ang kanilang kita sa pamamagitan ng paglapit sa mga mamimili ang mga produkto gayundin na matugunan ang pangangailangan ng mga mamimili na makakuha ng pagkaing abot-kaya ang presyo.

Inaasahang masusundan pa ang naturang aktibidad sa mga susunod na buwan lalo na’t tagumpay itong naidaos at nailunsad sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan