Skip to main content

Programa ng BFP Lingayen para sa Taumbayan, Patuloy sa Pag-Arangkada

“Ako si Berong, tunay na Maaasahan at kaisa ng Mamamayan.”
Tuloy-tuloy at walang katapusang pagbibigay serbisyo publiko ang ipinapakita at ipinaparamdam ng mga magigiting at masisipag na bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen.
Sa pamumuno ni FSINSP Kevin G. Banawag, Fire Marshal ng BFP Lingayen, iba’t ibang proyekto at aktibidad ang kanilang isinasagawa upang matugunan at maisakatuparan ang kanilang mga adhikain para sa kaligtasan ng mamamayan at maging ng kalinisan ng kapaligiran.
Kabilang sa mga programang ito ay ang (1) BumBasurero Coastal Clean-Up Drive, (2) Ang Luntian ni Berong Garden, at (3) Berongayanihan: Berong in the Barangay.
Ang BumBasurero Coastal Clean-Up Drive ay isa sa kanilang araw-araw na aktibidad, kung saan mayroong kaugnayan sa kanilang Oplan Ligtas sa Pamayanan (OLP). Sa kasalukuyan, nasa ika-112 na araw na ang kanilang monitoring at implementasyon at maging mga karatig-bayan ay tinularan na rin ang flagship project na ito ng BFP Lingayen.
Samantala, Ang Luntian ni Berong Garden ay programang sumusuporta sa adhikain ng lokal na pamahalaan na isulong ang green revolution movement. Kaloob ng programang ito ay ang panghihikayat sa mamamayan ng ‘local farming’ sa pamamagitan ng pagtatanim ng iba’t-ibang uri ng gulay. Ang naturang garden ay bukas sa publiko na nagnanais humingi ng kanilang itinanim.
Habang ang Berongayanihan: Berong in the Barangay, ay naglalayong makapagbigay ng fire safety tips at public address sa pamamagitan ng pag-iikot sa iba’t ibang barangay lalo na sa high risks at far-flung areas. Nais ipabatid ng ahensiya na ang fire trucks at fire fighters ay hindi lamang dapat nakikita sa panahon ng sakuna subalit maging sa panahon ng ‘prevention at early intervention.’
Ayon kay FSINSP Banawag, ang ‘Berong’ ay isang termino na tumutukoy sa mga bumbero na laging nariyan para maipadama sa taumbayan ang inaasahang aksyon base sa kanilang mandato na hindi lamang “firefighting and fire suppression” subalit maging sa “social and medical services” ay kaakibat ang BFP dahil isa itong responsibilidad na naka-atang sa kanilang ahensiya.
“Actually, inspired po talaga kami sa LGU Lingayen kasi napaka-proactive ng ating administrasyon kaya’t ni-realigned din yung mga programs namin para maging interconnected din sa mga existing programs ni LGU Lingayen,” dagdag na pahayag ni Banawag.
Dahil sa mga programang ito ng BFP Lingayen, kamakailan lamang ay ginawaran ng lokal na pamahalaan ng Lingayen, sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, ng Certificate of Commendation ang kanilang ahensiya. Indikasyon ito ng lubos na pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa hindi matatawarang serbisyo publiko na kanilang ibinibigay para sa pamahalaan at sa taumbayan. (MIO_JMMangapot/MRVinluan)
📷 Bfp RegionOne Lingayen Pangasinan

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan