PROGRAMANG PANG AGRIKULTURA SA BAYAN PATULOY NA PINALALAKAS
Muling namahagi ang Department of Agriculture katuwang ang Municipal Agriculture Office ng LGU Lingayen ng libreng binhing palay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program sa pamamagitan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) para sa taniman ngayong Wet Season 2023.
Limang daan at walumpong sako (580) ng inbred seed ang naipamahagi sa 400 na rehistradong magpapalay sa bayan ngayong araw ika-19 ng Abril, 2023.
Ayon sa MAO, ang bilang ng sakong matatanggap ay nakadepende sa lawak ng kanilang pinagtatamnan. Halimbawa aniya, kung ang isang rice farmer ay may tinatanimang 0.5 hectare, mayroon itong 1 bag ng Inbred Seeds(20kgs) habang dalawa hanggang anim (2-6) na bags naman para sa mga may isa hanggang tatlong (1-3) ektaryang sakahan.
Tiniyak naman ng DA na ang ibibigay nilang binhi ay akma sa uri ng lupa at lagay ng panahon sa lugar na pinanggalingan ng mga magsasaka.
Ang mga masuwerteng benepisyaryo ay mula sa labing walong barangay sa bayan na kinabibilangan ng mgasumusunod: Aliwekwel, Bantayan, Basing, Capandanan, Dulag, Estanza, Lasip, Malawa, Malimpuec, Matalava, Namolan, Naguelguel, Quibaol, Rosario, Sabangan, Talogtog, Tumbar at Wawa.
Samantala, muli ding nagsagawa ng ‘validation’ ang Department of Agriculture (DA) Regional Field Office 1 sa mga barangay sa bayan na nakatakdang pagtayuan ng Solar-Pump at Solar Powered Irrigation System.
Partikular na sinuri ay ang Brgy. Lasip, Brgy. Wawa, Brgy. Naguelguel, Brgy. Dulag, Brgy. Malimpuec at Brgy. Estanza. Ang nasabing proyekto ay may multi-milyong halaga kung maaprubahan ng DA at inaasahan na makapagpapatubig ng mga sakahan sa mga nabanggit na barangay.
Layunin ng naturang proyekto na maisulong ang kabuhayan ng mga magsasaka sa bayan sa pamamagitan ng agrikultural na ani gamit ang mas murang sitema ng irigasyon. Sa halip kasi na diesel fuel at kuryente, ay mapapatakbo na ang irrigation pump sa tulong ng solar energy.
Kung matatandaan, taong 2020 ng unang magsagawa ang DA ng ‘site visitation’ sa mga nabanggit na lugar matapos itong irekomenda ng mga magsasaka bilang lokasyon ng pagtatayuang ng naturang proyekto. Habang noong nakaraang taon naman ng idaos ang groundbreaking ceremony at blessing ng Solar Powered Irrigation System sa Barangay Wawa na isa sa mga proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) Regional Office. (MIO)