Skip to main content

PROGRAMANG SUPPLEMENTAL FEEDING PROGRAM PARA SA MGA DAYCARE PUPILS, TULOY-TULOY

Patuloy ang implementasyon ng Supplementary Feeding Program (SFP) para sa mga Child Development Centers (CDC) sa bayan ng Lingayen. Ngayong araw, ika-29 ng Pebrero 2024, ipinamahagi ang ikalawang batch ng food supplies para sa naturang programa.

Matagumpay na inilunsad ang SFP nitong nakaraang ika-1 ng Pebrero 2024 sa tulong Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office 1 Early Childhood Care and Development/ Supplementary Feeding Program Focal Person Rowena Lopez at ang mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) sa pamumuno naman MSWD Officer Lorenza Decena.

Layon ng programa na makapagbigay ng karagdagang probisyon ng masusustansiyang pagkain para sa mga batang edad 3-4 na taong gulang na naka-enroll sa mga CDCs. Aabot naman sa tatlumpu’t pitong (37) Day Care Centers ang kabilang sa mga nakatanggap ng food supplies tulad ng gulay, karne, at itlog.

Dumalo at nagpaabot naman ng mensahe ng pasasalamat si Konsehal Rasel Cuaresma na siyang kumatawan sa alkalde at bise-alkade. Binigyang pugay ang tatlumpu’t walong (38) Child Development Workers sa kanilang kasipagan. Aniya, nararapat lang na pasalamatan ang mga Day Care Workers dahil sila ang nagsisilbing katuwang ng mga magulang sa pag gabay sa kanilang mga anak.

Inanyayahan din ni Konsehal Cuaresma ang mga dumalo sa programa na makiisa sa darating na Kids’ Fun Day na gaganapin sa ika-15 ng Marso 2024. Ang Kids’ Fun Day ay isa sa mga aktibidades na inihanda ng LGU Lingayen para sa selebrasyon ng Bagoong Festival 2024. (MIO_PBayog/OJT_AGarcia)

📸MIO/DDeGuzman/OJT_TJEstrada

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan